SINIMULAN na ng Manila Water ang P23-milyong pagsasaayos at paglalatag ng bagong sewer pipes sa kahabaan ng Quezon Avenue, mula Sct. Albano hanggang sa panulukan ng EDSA, kabilang na ang bahagi ng Sct. Albano. Sa pamamagitan ng proyektong ito, mapapalitan na ang mga sewer pipes sa Quezon Avenue na inilatag noon pang 1950’s.
Ang paglatag ng bagong sewer pipes ay magdudulot nang higit na pinaghusay na serbisyo sa gamit na tubig at sanitasyon sa mga residente at establisimyento sa naturang lugar.
Uunahin ang paglalatag ng bagong sewer pipes sa maikling bahagi ng Sct. Albano, mula Panay Ave. hanggang Quezon Ave., na isasagawa mula umaga hanggang hapon bilang konsiderasyon sa mga establisimyento sa lugar na ito kung saan mas maraming customer gumagamit ng tubig sa gabi.
Sa kabila nito, siniguro naman ni Manila Water Director for Project Delivery, Thomas Mattison, na nakapaghanda ang kumpanya ng plano para sa iwas-trapiko at paggawa na titiyak na hindi maaabala ang mga motorista habang isinasagawa ang proyekto. “There are ample traffic signage and advisories in the area to guide motorists, complemented by the presence project personnel on site to help ensure continuous traffic flow along Sct. Albano (May sapat na paalala at traffic advisories sa paligid at sa papalapit sa proyekto upang gabayan ang mga motorist, kabilang na ang mga tauhan sa lugar na tutulong magsaayos ng daloy ng trapiko sa Sct. Albano),” ani Mattison.
Ang proyektong ito, na tinatayang magkakahalaga ng P23-milyon, ay nakatakdang ipatupad mula Nobyembre 2014 hanggang Abril 2015. Pansamantala lamang ititigil ang paggawa sa Disyembre dahil sa ‘moratorium’ sa mga proyekto sa mga pangunahing lansangan na ipinatutupad ng Metro Manila Development Authority (MMDA) taon-taon. ANG INYONG LINGKOD/DR. HILDA ONG