MUKHANG hindi napapanahon ang mga pahayag nina Pangulong Benigno Aquino III at maging ng mga kongresista sa pangunguna ni House Speaker Feliciano Belmonte, Jr., na suportado nila ang laban sa lumalaking banta ng Islamic State.
Bagama’t naniniwala ako na dapat palakasin ng bansa ang laban sa terorismo, para sa akin, hindi na kailangang ipangalandakan ito at gawin na lang nang maayos at tahimik.
Lalo pa’t nakatakdang dumalaw sa bansa sa susunod na taon si Pope Francis at hindi naman kaila na may banta para sa kanyang seguridad at kaligtasan.
At dahil nga sa mga naunang pahayag ni Noynoy ay hindi malayong isipin ng mga militanteng Muslim na isa itong hamon sa kanilang kakayahan.
Bagama’t walang pinipiling araw ang paglaban sa terorismo mas mainam na maging mas maingat at mapagmatyag ang ating security forces lalo na iyong mga nasa intelligence community.
Sa ngayon, pinaninindigan ng pamunuan ng pulisya at militar na wala naman silang natatanggap na credible at verifiable threat hinggil sa pagdating ng Santo Papa.
Subalit kung karanasan ang pagbabasehan, hindi na kailangan pang tumanggap ng mga pagbabanta para malaman na may masama palang binabalak ang mga terorista.
Katulad na lang halimbawa noong 1995 nang bumisita si Pope John Paul II sa bansa, kung saan ay isang assassination plot na tinawag na Oplan Bojinka ang ‘di sinasadyang napigilan ng ating kapulisan.
Kung hindi lang nagkaroon ng sunog sa apartment na tinuluyan ng mga terorista na naging dahilan para rumesponde ang mga bumbero at pulis, malamang sa hindi ay baka may masamang nangyari noon sa Santo Papa.
At kung nagkaganoon ay napakalaking kahihiyan iyon sa panig nating mga Pinoy na itinuturing pa namang kaisa-isang Katolikong bansa sa rehiyon ng Asya.
Nagmistulan ring natutulog sa pansitan ang mga intelligence operative sa Estados Unidos sa nangyaring World Trade Center bombing noon Septyembre 11, 2001.
Sa madaling salita, dapat laging maingat at mapagmatyag tayong lahat, lalo na ang ating mga awtoridad dahil hindi natin alam at hindi naman sasabihin sa atin ng mga terorista kung kailan sila aatake at maghahasik ng karahasan. OPENLINE/BOBBY RICOHERMOSO