MALAPIT na naman ang eleksyon at may mga pakalat-kalat na namang nag-aahente para sa hi-tech na pandaraya sa darating na halalan.
Halatang-halata naman na may nakinabang na mga politiko dahil sa mga ginawang Hocus-PCOS ng sindikatong pinangungunahan nitong Smartmatic.
Bagama’t maingat ang mga election operator na kakutsaba ng Smartmatic na magsagawa ng Hocus-PCOS sa mga posisyong nasyonal, napakatalamak ang reklamo tungkol sa mga dayaang naganap sa lokal na eleksyon, partikular na umano ang mga ginawang manipulasyon sa mga PCOS (Precinct Count Optical Scan) machine ng Commission on Election (Comelec).
Talamak ang mga reklamo tungkol sa switching ng mga SD card na naglalaman ng mga data ng mga boto at ang electronic tampering sa aktwal na resulta ng halalan.
Hindi rin tinupad ng Smartmatic ang pangako nito na magkakaroon ng mga tinatawag na “digital signature” ang bawat botante at ito ay nakalagay sa kanyang balota. Ang resulta nito ay ang matinding pagdududa kung mga tunay na balota nga ba ang binilang ng mga PCOS machine ng Smartmatic.
Ang masaklap nito ay tila hindi pa rin natututo ang Comelec at mukhang muli na namang ibibigay sa Smartmatic ang pangangasiwa sa 2016 presidential elections sa kabila ng kapalpakan ng naturang kumpanya.
Bagama’t suportado natin ang pagkakaroon ng automated election, naniniwala tayo na ito ay maganda lamang kung hindi mapagsamantala ang nangangasiwa nito. Sa kaso ng Smartmatic, malinaw na wala na itong kredibilidad upang muling magiging katuwang ng Comelec na mangasiwa sa eleksiyon sa 2016.
Ganitong-ganito rin ang hinaing ng Citizens for Clean and Credible Elections for 2016 (C3E) na pinamunuan ni Alain Pascua. Ang C3E ay masigasig ngayong nakikipaglaban upang tanggalan na ng papel ang Smartmatic sa susunod na halalan.
Iginigiit ng naturang grupo na nararapat lamang na ma-blacklist na ang Smartmatic sa anomang bidding para sa automated election sa 2016 sapagkat hindi nito napanindigan ang tungkulin nitong ipagtanggol ang kredibilidad ng ating nakalipas na dalawang halalan.
Maliwanag din umano na wala naman talagang kakayahan ang Smartmatic upang pangunahan ang pagpapatakbo ng ating automated election sapagkat lumalabas na nag-aahente lamang ito at hindi ito mismo ang gumagawa ng mga makinang ginagamit para sa halalan.
“Smartmatic is a mere reseller/vendor/middleman: Smartmatic and failed to declare its subcontracting arrangement, because it turns out that the machines were manufactured by Jarltech Inc. while the software is actually owned by Dominion Corporation. This violates the subcontracting arrangement in the Government Procurement Policy Board (GPPB) Manual as Smartmatic merely served as middleman,” paliwanag ng naturang grupo.
* * *
Para sa inyong komento at suhestyon, mag-email lamang sa gil.bugaoisan@gmail.com. BIGWAS/GIL BUGAOISAN

