BILIB tayo sa ginawa agad ni Pangulong Aquino na pagpapatawag ng pulong sa kanyang mga opisyal para paghandaan ang paghagupit ng bagyo.
Nakita natin ang agaran nilang pagkilos para sa kapakanan nating lahat.
Hindi pa kasi lubusang nakarerekober ang Kabisayaan na winasak ni “Yolanda” tapos ay heto na naman si Ruby.
Ipagpatuloy pa rin natin mga kababayan ang ating pananalangin na sana’y walang mapahamak at walang gaanong masira ang bagyo.
Ang Diyos lang ang nakaaalam at ang Diyos lang ang ating gabay.
Siya ang ating Tagapagligtas.
***
Sana rin ay maging responsable na ang bawat isa sa atin.
Huwag na ‘yung saka lang maghahanda at magkukumahog kapag nariyan na ang bagyo para maiwasan ang disgrasya at mas malawak na perwisyo ng kalamidad.
Huwag na rin tayong maging pasaway at pabigat sa mismong gitna ng kaabalahan ng gobyerno sa ginagawang pag-rescue.
Lahat tayo ay may obligasyon hindi lang sa sarili, kundi sa ating pamilya at sa mga mahal sa buhay.
Sapat na ang mga inilatag na babala sa atin ng pamahalaan.
Lumikas kung pinalilikas lalo ‘yong mga nasa bahain at guhuing lugar. Itigil na ang pagiging matigas ang ulo.
Kung may mangyaring masama sa inyo, kayo na ang may problema.
Huwag kayong maninisi sa gobyerno.
***
Pinupuri rin natin ang pagiging abala ni DILG Sec. Mar Roxas sa pagtugon sa kalamidad.
Panay ang pakikipagpulong niya sa mga lokal na pamahalaan na apektado ng bagyong Ruby.
Kahapon ay nasa Eastern Samar siya at kasama ng mga lokal na opisyal na nagplano sa gagawing rescue at evacuation sa mga biktima ng bagyo.
Itinalaga niya ang mga gobernador at mayor bilang mga “first responder” sa kalamidad.
***
Ang mga local government unit ay mukhang natuto na nga talaga sa mga nagdaang kalamidad.
Nailikas nila agad ang kanilang constituents bago pa matamaan ng bagyo.
Ang mga sundalo at coast guards, nakahanda na bilang rescue teams.
Ang pulisya, nakaalerto rin sa peace and order kagaya ng looting na nangyayari sa mga department store.
Ang Department of Health (DoH), ay nagpakalat din ng mga medical team at supply.
Ang mga simbahan at paaralan ay nagbukas ng pinto para sa evacuees.
Nakatutok na rin Department of Trade and Industry (DTI) sa presyo ng mga bilihin at panic buying ‘pagkat siguradong may magsasamantalang negosyante.
***
Tanungin naman natin si Sec. Dinky Soliman ng DSWD.
Ano na ba ang ginagawa ng DSWD bilang pagresponde sa mga taong apektado ng kasalukuyang bagyo?
Iniulat na marami nang mamamayan na nasa evacuation centers.
Sila ay nagrereklamo dahil wala silang sapat na makain.
Hindi ba’t trabaho ng DSWD na tiyaking hindi magugutom ang evacuees? Bakit may sumisigaw na nagugutom?
Hindi ba dapat, ang DSWD ang unang gumagalaw bago pa dumating ang bagyo?
Dapat ay nakapuwesto na sa mga probinsya ang mga relief goods upang hindi na maulit ang pahirapang pagbiyahe ng mga ito na naging dahilan ng pagkabulok ng mga noodles, bigas at pati ng de-lata.
Ang DSWD ang isa sa pinakaimportanteng ahensiya sa panahon ng kalamidad dahil sila ang nag-iingat ng mga kakanin ng mamamayan habang pero wala tayong nababalitaan kung ano na ang kanilang ginagawa. KANTO’T SULOK/NATS TABOY

