HALOS araw-araw na sinasalakay ng mga tauhan ng Manila Action and Special Assignment (MASA) sa pangunguna ni Chief Insp. Bernabe Irinco, Jr. ang mga illegal terminal sa Lawton na nagiging sanhi ng mabagal na daloy ng trapiko papuntang Quiapo, Sta. Cruz at Divisoria.
Halos umaabot na sa mahigit 100 sasakyang iligal o colorum ang nahuli ng mga tauhan ng MASA na inatasan ni Manila Mayor Joseph Estrada na linisin mula sa mga iligal na sasakyang bumibiyahe sa Maynila.
Batid ng alkalde na kailangang linisin ang Lawton mula sa iligal na terminal sapagkat naunang sinimulan nila ito noong nakaraang taon na gawing ligal ang mga terminal. Ang mga bus na dumaraan sa lungsod ay kailangang magkaroon ng sariling terminal na magbabayad ng buwis sa lokal na pamahalaan.
Sa nangyayaring pagkuha ng mga UV Express ng pasahero na Lawton, tanging ang chairman umano ng lugar na si Ligaya Santos at ilang opisyal na kasabwat niya ang nakikinabang sa “tong” o “butaw” na ibinibigay ng driver ng mga sasakyang ginagawang terminal ang Lawton.
Teka, hindi ba’t ipinagkatiwala ito ni Mayor Erap kay Vice Mayor Francisco “Isko” Moreno ang pangangasiwa ng trapiko sa Maynila?
Paano nakalusot kay Vice Mayor Isko ang nangyayaring pagteterminal ng UV Express sa Lawton sa pangangasiwa ni Chairwoman Ligaya Santos? Magkasundo na ba sila?
May nakapagbulong sa Pakurot na isang mataas na opisyal ng isang sekta ang tumulong kay Santos upang muling mangasiwa ng iligal na terminal sa Lawton na dati na niyang pinakikinabangan noong panahon pa ng dating administrasyon.
Sa madaling salita, nalusutan si Vice Mayor Isko? Syempre, hindi papayag ang ikalawang ama ng Maynila na masira ang pangalan niya. Noong nakaraang taon, nanindigan si Vice Mayor kasama si Mayor Erap, na tanggalin ang mga iligal na terminal. Ngayon pa ba siya magiging pabaya?
Malaking pera ang kinita noong nakaraang administrasyon ng mga opisyal ng barangay ni Ligaya Santos kaya nais na naman siguro nilang ulitin ang nakasanayan. Hindi na nila panahon kaya hindi na dapat nila sirain ang pangalan ng mga opisyal ng Manila City Hall.
Ayaw ni Manila Mayor Estrada na masira ang kanyang pangalan kaya nais niyang tanggalin ang iligal terminal sa Lawton. Syempre gayundin si Vice Mayor.
Pero ang pangalang pumuputok na nakikinabang sa butaw ng iligal terminal sa Lawton maliban kay Ligaya Santos ay protégé ni Vice Mayor Isko.
Sana maipagpag ni Vice Mayor Isko ang garapata niyang ito bago tuluyang masira ang kanyang pangalan. Hindi lang naman kasi ang Lawton ang iligal terminal na ginagatasan nitong opisyal na ito kundi maging ang ilang lugar sa Quiapo, V. Cruz, Divisoria, Sta. Cruz, Recto, Legarda, Sta. Mesa at iba pa.
Malaking kasiraan ang opisyal na ito sa pangalan at karera ni VM Moreno kaya ngayon pa lang sana ay magising na siya sa pagkakamaling nagawa niya sa pag-aalaga ng garapata na sumisipsip sa kanyang dugo. PAKUROT/LEA BOTONES