ITO na ang muling pagkakataon ni PNoy na ipakita ang kanyang tikas sa taumbayan lalo na roon sa mga tinamaan ng bangis ni bagyong Ruby.
Kalilimutan ko na muna ang kahambugan na pahayag ni PNoy na ‘zero casualty’. Hahayaan ko siyang ipakita ngayon ang kanyang tulin sa pagbibigay ng tulong sa mga nasalanta.
Nasaan na ang mga alipores ni PNoy? Nasaan na rin ang mga oportunista sa tribu ni PNoy kung saan si DILG Sec. Mar Roxas daw ang tumatayong lider ng mga ito.
Habang ang iba ay nalulungkot kahit na nasa labas pa lang ng Pinas ang naturang bagyo ay tuwang-tuwa naman ang ilan sa tribu ni PNoy dahil pagkakataon na naman ito para gamitin sa politika.
Katunayan, bago pa man tumama ang bagyo ay nag-ikot na itong si Roxas. Baka bukas makalawa ay itong si VP Jejomar Binay naman ang iikot sa ating mga kababayan.
Pero hayaan na natin ang dalawa dahil talaga naman hindi magpapalamang sa isa’t-isa ang mga ito na ang layunin ay mapunta sa kanila ang trono na lilisanin ni PNoy sa 2016.
Noong nanalanta ang Yolanda, super duper kupad ang responde ng administrasyon ni PNoy. Nauna pa ang mga dayuhan sa kanila maging ang ilang Non-Governmental Organizations (NGOs).
Ginoong Pangulong Noynoy Aquino, siguro naman ay hindi na mauulit ang sinapit ng mga kababayan natin na sinalanta ni Yolanda. Pagkakataon mo nang gumanti sa amin, ipakita mo na ang iyong buong tikas.
Sabi nila ay ‘di hamak na mas malakas ang Yolanda kaysa sa bagyong Ruby kaya marapat lamang siguro na mas maalwan ngayon kay PNoy ang magpahatid ng tulong sa mga nasalanta.
Kailan pa ba natin ng panibagong czar czar asar tulad ni Sec. Panfilo Lacson upang mapabilis ang aksiyon ng gobyerno ni PNoy? Napakarami nang czar czar na iyan pero asar na asar pa rin ang taumbayan dahil sa kupad ng gobyerno.
Tama na ang mga matatamis na salita, tama na ang kahambugan sa pamamahala sa ating Inang Bayan… aksyon ang kailangan, ngayon na!
***
Para sa komento o suhestyon: eksperto71@gmail.com EKSPERTO/JOIE O. SINOCRUZ, Ph.D.
