SUMADSAD muli ang rating nung dalawang politiko na nagtatagisan ng propaganda bilang paghahanda sa kanilang interes na masungkit ang pinakamataas na trono sa buong bansa.
Sa pinakahuling survey, nabawasan ang grado nina Vice-President Jejomar Binay at Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas.
Ang sabi ng ilan, negatibo ang naging epekto sa politika ni Binay ang umano’y sobra-sobrang bukol sa mga proyekto sa Makati City na ibinulgar sa Senado.
Si Roxas naman ay sadya [raw] talagang walang tinatawag na ‘X-Factor’ para tangkilikin siya ng mayorya ng taumbayan para maging susunod na Presidente ng bansa.
Ngayong tapos na ang usapan sa badyet para sa susunod na taon, tiyak na muling aarangkada ang Blue Ribbon Sub-Committee sa Senado upang lalo pang tustahin si Binay.
Sa mga pahayag naman ni Sen. Grace Poe ay mararamdaman natin ang kanyang alinlangan na lumaban bilang kandidato para maging Presidente bagaman maganda ang kanyang grado sa survey.
‘Yung iba naman ay dati nang sumubok pero nabigo. Dati na silang nasubok ng taumbayan pero nabahiran ng kontrobersya tulad nina dating Pangulong Erap Estrada, Sec. Ping Lacson at Sen. Miriam Santiago.
Kung ganito na ang sitwasyon sa ating politika para sa susunod na Presidente ng bansa ay marapat na lamang na ang piliin natin ang politiko na sinubok na ng panahon.
Si House Speaker Sonny Belmonte! Lubog sa utang ang Quezon City noon pero ngayon ay pinakamayaman sa buong bansa. Hindi madaldal o maputak pero mayroong malaking nagawa sa bayan.
Sa ilalim ng kanyang liderato sa kongreso ay kinakitaan ng tahimik at maayos na ahensya ng gobyerno hindi tulad sa senado na kakaunti na lamang sila ay kay gulo-gulo pa nila.
Kung ako kay PNoy, si Belmonte bilang Bise-Presidente ng Liberal Party ang siya kong itataas ang kamay para pumalit sa kanyang trono sa 2016.
‘Yan ay kung ang nais ni PNoy na ituloy ang reporma sa bansa.
***
Para sa komento o suhestyon: eksperto71@gmail.com EKSPERTO/JOIE O. SINOCRUZ Ph.D.