ILANG kababayan pa kaya natin ang mawawasak ang buhay at pangarap dahil sa panloloko ng Pro-Friends Inc.? Mukhang masyadong malalim ang galamay ng mga demonyong may-ari ng real estate company na ito kaya sa kabila ng napakaraming reklamo laban dito ay walang ginagawang aksyon laban dito.
At habang patuloy na nagbubulag-bulagan ang pamahalaan sa napakalaking real estate scam ng Pro-Friends, patuloy ring dumarami sa ating kawawang mga kababayan ang kanilang nabibiktima.
Ang kanilang kakaunting salapi na kanilang ipinantutustos para sa pinapangarap nilang bahay ay naglahong parang bula sa panggagantso ng Pro-Friends.
Sa katunayan, muli na naman tayong nakatanggap ng sulat mula sa isang OFW na si Jolenor Saligumba na isa na naman sa mga nabiktima ng kumpanya. Minarapat nating ilathala ang buong nilalaman nito:
“Sir, 2011 po nakakuha kami ng asawa ko ng bahay po sa Lancaser Estate Cavite. Tapos po noong mga panahon na ‘yun po na nakakuha kami, ang dami pong hindi magagandang feedback na narinig at nakita po mismo namin sa site. ‘Yung mga lumilipat po roon tumutulo ang bahay at walang actions. Hindi lang iisang bahay kundi marami po. Nabahala kami ng asawa ko kaya po nakabuo kami ng desisyon na kung pwede po iatras na lang namin. Sinubukan ko pong pumunta sa office ng Pro-Friends Imus, Cavite at sabi wala kaming makukuha kahit singko.
By 2012, medyo malaki-laki na rin po ang naibigay namin kaya sabi ko sa asawa ko baka ililipat na lang natin sa mas maliit na bahay. Dahil nababahala po kami sa mga nakikita namin sa loob ng office nila na napakaraming namomroblema dahil 2 months lang daw po ng delay, eh, cancelled na raw po kaagad.
‘Yun din po ang advice sa min ng officer ng Pro-Friends na lumipat na lang ng unit instead na mag-quit na walang makukuha. Noong nakalipat na po ang papel ko ng panibagong unit, nagkataon naman po na pabalik-balik po ako ng ospital sa selan ng pagbubuntis ko.
Pero ang huling email ko po sa kanila pakihintay po ako ng July 2012. May naitabi pa po akong e-mail copy po.
Nung nag-July na po hindi ako kaagad nakapunta dahil sa condition ko. Noong binalak na po naming pumunta ng September, kinidnap po ang panganay kong anak, Sir. Lahat po kami at ang pamilya ko tuliro ng mga time na yun. May copy po ako lahat ng katibayan.
Hindi na rin po ako nakapag-o-open ng email sa mga nangyayari. Una maselan ang pagbubuntis ko at pangalawa inaasikaso namin araw-araw ang kaso ng anak ko. Hanggang sa inabot po ng 2013 na hindi po namin namalayan.”
(Note: karugtong po ito nang nauna nating isinulat nitong nakaraang Miyerkules).
***
Para sa inyong komento at suhestyon, mag-email lamang sa gil.bugaoisan@gmail.com. BIGWAS/GIL BUGAOISAN