WALANG gastos ang mga empleyado ng pamahalaang lungsod ng Olongapo sa kanilang ginanap na “Christmas Party” nitong nakaraang linggo.
Ito Ang Totoo: kapansin-pansin ito dahil sa mahabang panahon, ngayon lang hindi pwersahang binawasan ang sweldo ng mga empleyado bilang kontribusyon sa “Christmas Party.”
Dati-rati pa, sa panahon ni ex-mayor Bong Gordon, binabawasan na ang suweldo para sa “Christmas Party,” hindi pa binibigyan ng “bonus” ang mga “contractual employee” ng lungsod.
Pero ngayon, sa panahon ni Mayor Rolen C. Paulino, meri talaga ang mga empleyado ng gobyerno dahil lahat, regular, casual at contractual ay tumanggap ng bonus.
Pwede naman pala kaya dapat ganito na lagi dahil ang suweldo ng mga nagtatrabaho sa pamahalaan ay hindi naman kalakihan.
***
Sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) naman, matatanggap na ng mga empleyado nito sa Enero ang kanilang dagdag na suweldo at, syempre, ang “retro” ng ilang taong lumipas na hindi sila tumanggap ng umento.
Ayon kay SBMA Chairman & Administrator Roberto V. Garcia, inaprubahan na ng “board” ang “salary standardization” ng mga kawani ng SBMA sa nakaraang “board meeting.”
Sa kapanahunan ng Pasko, marapat lang na maalala ang kapakanan ng kapwa, kasama na ang mga manggagawa ng gobyerno na nagsisilbi sa publiko.
Ito Ang Totoo: kung masaya at kuntento ang ating mga “public servant,” makatutulong ito nakanilang maiwasan at malabanan ang tukso ng korapsyon o kabaluktutan.
Binabati natin ng Maligayang Pasko at umaapaw na biyaya sa papasok na taon ang lahat ng mga tagasubaybay at tagasuporta ng Ito Ang Totoo.
Ganoon din sa gumawa at gumagawa ng kabaluktutan na ating nasagasaan, sinagasaan at sasagasaan pa rito.
Nawa’y nagbago o magbago na kayo para hindi na kayo maasikaso ng kolum na ito. Ito Ang Totoo! ITO ANG TOTOO/VIC VIZCOCHO, JR.
