ISA sa mga dahilan kung bakit masaya ang Pasko ng marami sa ating mga kababayan ay ang patuloy na pagbagsak ng presyo ng langis sa merkado, pero gusto ko lang ipabatid na walang kinalaman ang “magagaling” na opisyal natin sa gobyerno sa pangyayaring ito.
Dahil sa pagbaba nang presyo ng langis ay nao-obliga rin ang maraming negosyante na ibaba ang presyo ng kanilang mga produkto, na pabor naman sa ordinaryong mamimili, lalo pa’t Christmas season.
Pero ang hindi alam ng marami ay bagama’t nagsasaya tayo sa pagbagsak ng presyo ng langis, patuloy namang tumataas ang tensyon sa pagitan ng mga bansang pinanggagalingan nito.
Inaakusahan kasi ng iba pang oil-producing countries tulad ng Russia, Iraq at Venezuela ng pananabotahe at sadyang pagdadagdag ng produksyon, ang mga kasapi ng Organization of Petroleum Exporting Countries (OPEC) sa pangunguna ng Saudi Arabia para bumaba ang presyo ng langis sa world market.
Dahil sa patuloy na pagtanggi ng Saudi Arabia na ibaba ang produksyon nito ng langis ay naapektuhan naman ang ekonomiya ng nasabing mga non-OPEC member, partikular na ang Russia.
Malaki ang hinala ng Russia na kumikilos ang Saudi Arabia base na rin sa dikta ng Estados Unidos at mga bansang kasapi ng North Atlantic Treaty Organization (NATO) sa Europa, dahil naman sa panggigipit ng gobyerno ni Vladimir Putin sa bansang Ukraine.
Gusto kasi nang mga bansang tulad ng Russia na manatiling mataas ang presyo ng langis sa merkado para masuportahan naman nila ang kanilang ekonomiya na umaasa naman sa oil revenues para makamit ang kanilang target na budget.
Subalit itinanggi naman ni Saudi Petroleum Minister Ali Naimi sa isinagawang Arab Energy Conference sa Abu Dhabi ang mga alegasyon, sa pagsasabing ang pinakamabuting gawin ng oil-producing countries ay pagbutihin ang kanilang produksyon.
Ipinahiwatig pa ni Naimi na kaya bumababa ang presyo ng langis ay sapagkat nagkaroon ng pagbagal sa world economy, kung kaya bumaba rin ang demand para sa nasabing produkto.
Pero para sa akin, anoman ang dahilan ng pagbagsak ng presyo ng langis ay hindi na mahalaga sa ating mga Pinoy na hindi alam ang kahulugan ng mga salitang market speculators at corporate greed.
Ang importante ay bumababa ang presyo ng langis at maganda ito para sa ating ekonomiya.
Iyon nga lang, hindi pwedeng magpapogi ang mga taga-gobyerno at akuin ang kredito sa magandang kaganapang ito. OPENLINE/BOBBY RICOHERMOSO
