NAGDEKLARA ng ceasefire o tigil-putukan ang mga pwersa ng pamahalaan at pwersa ng New People’s Army.
Isang buwan ang tigil-putukan na idineklara ng gobyerno simula sa Disyembre 19, 2014 na magtatapos sa Enero 19, 2015.
Kapaskuhan at pagbisita ni Pope Francis ang basehan nito.
Nagdeklara rin ng ceasefire ang NPA sa mga piling araw sa Pasko, Bagong Taon at pagbisita ni Papa Kiko.
Okey na rin sa atin ang mga tigil-putukan na ito.
Kahit papaano, wala tayong problema sa lamay at paglilibing sa mga araw na ito.
Masakit kasing magkakaroon ka ng paglalamayan at ililibing sa mga araw na sana’y masayang buhay ang pinag-uusapan.
CEASEFIRE RIN SA ATIN
Magdedeklara rin tayo ng ceasefire sa ating mga nakakatampuhan.
Pero kung tutuusin, wala naman tayong dahilan para sa tigil-putukan.
Iniiwasan kasi natin ang mga away at hinahabaan na lang natin ang ating pasensya sa mga sumusulpot na problema.
Gusto nating magkaroon ng mga kaibigan sa halip na mga kaaway.
Kung mayroon mang mga hindi napagkakasunduan, usapin ang mga iyon ng tagisan ng mga katwiran.
Tumitigil tayo sa mga sagutan kung wala ako sa katwiran at nirerespeto natin ang nasa tama.
‘Yan ang mga nasa personal na lebel.
Pero kahit pa sa mga kritikal na usapin, kung minsan mas maganda ang tigil-putukan na paraan para sa kasunod na pagkakasundo.
Sino ba naman ang ayaw makipagkasundo.
Win-win solution ang matatagpuan diyan.
MAGBANTAY
Kaya lang, kailangan bang ideklara ang ceasefire kahit Pasko, Bagong Taon at paparating si Pope Francis kung usapin ng katiwalian o pagpapairal ng gobyerno ang pinag-uusapan?
Kung usapang pampamahalaan, dapat magbantay ang lahat.
Dahil makalingat ka lang, eh, susuntukin ka sa mata ng mga korap o walang magawa kundi pahirapan ang mga mamamayan.
CONSUELO DE BOBO
Alam ba ninyo ang isa sa mga dapat na bantayan? ‘Yang fare hike sa pamasahe sa mga tren na Light Railway Transit at Metro Rail Transit-3.
Anak ng tokwa, kunwari nagkaroon ng konsultasyon sa mga mananakay pero consuelo de bobo pala lahat.
Ang paniniwala ng iba, mababa lang ang pagtaas ng pasahe riyan, kung magkaroon man.
Pero kung titingnan ninyo, nakupo, malalaki ang mga ‘yan. At lalong mararamdaman ang bigat niyan kung iisipin na higit na nakararami ang tatamaan niyan na mahihirap.
ANG FARE HIKE
Heto ang fare hike na ipatutupad na sa Enero 4, 2015. Malapit na ‘yan, mga Bro.
Sa MRT-3, tataas ang pamasahe sa isang biyahe mula sa P15 sa P28 o P56 para sa round trip.
Tataas naman mula sa P15-20 ang pamasahe sa LRT-1 na biyaheng Monumento-Baclaran sa P29-30 o nasa P60 para sa round trip.
Lulundag naman ang pamasahe sa LRT-2 na biyaheng Recto-Santolan mula sa P15 sa P24-25 o nasa P50 na round trip.
OBRERO AT ESTUDYANTE
Kung pag-aaralan ang mga sumasakay sa MRT-3 at LRT 1 at 2, anak ng tokwa, marami kundi higit na nakararami ang mga obrero at estudyante.
Nasa 1.5 milyon araw-araw ang mananakay.
Isipin ninyo, dalawang State of the Nation Address ang lumipas at wala ni isang salita si Pangulong Noynoy ukol sa pagtaas ng sahod ng mga obrero at wala rin itong salita ukol sa napakalaganap na kontraktuwalisasyong kakambal ng mga agency sa trabaho.
Wala o kapos na nga sa kita ang mga obrero, yayariin pa sila nang malaki para sa pamasahe.
Eh, kung humingi ng alawans ang mga estudyante mula sa kanilang mga magulang bilang dagdag sa pamasahe, doble-malas ang mga magulang na LRT-MRT-3 ang mga sinasakyan.
Mula sa magulang hanggang sa mga anak ang tama ng fare hike.
Pasko ngayon at sa susunod ay Bagong Taon na at paparating pa si Papa Kiko, makapagdiriwang ka ba nang maayos sa nakaambang tiyak na fare hike na ‘yan nang wala man lamang mapagkukunan ng dagdag na sahod?
KAMBAL NA BADYET
Habang pinahihirapan ng mga anak ng tipaklong na opisyal ng bayan ang mga mamamayan gaya ng sa fare hike sa tren, nagbubunyi naman sila.
Akalain ba natin na nagkaroon ng kambal na badyet para sa 2015.
Hindi nakuntento ang mga kongresman, senador at taga-Malakanyang sa kanilang kita sa orihinal na badyet.
Nagpahabol pa sila ng nasa P24-bilyong badyet na para raw sa mga biktima ng Yolanda?
Aba, katumbas ng ibinasura ng Supreme Court na PDAF ‘yan, ah.
Eh, sino ang maniniwala na lahat ng P24B ay para sa mga na-Yolanda?
Malalaki kasi ang mga proyekto gaya ng housing at imprastraktura at diyan naglalaway ang mga opisyal ng ating bayan.
Nakalikha ang mga korap ng paraan kung paano gagawa ng pera at sa ngalan pa ng kalamidad.
o0o
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA