MAYROON bang pagtataas ng toll sa mga superhighway ngayong taon?
Ito ang nakabiting katanungan dahil sa laban-bawi sa singil sa toll ng lahat ng superhighway.
Kabilang sa mga lumalaban-bawi sa toll ang North Luzon Expressway (NLEX), South Luzon Expressway (SLEX), Manila-Cavite Expressway (CAVITEX) at Southern Tagalog Arterial Road.
Malalaki ang hinihiling na pagtataas-toll ng mga ito dahil umaabot sa kapat o 1/4 ng dating toll ang gusto ng ilan sa mga ito.
NOON AT NGAYON
Bago ito, noong kontrol pa lang ng gobyerno ang NLEX at SLEX, mura ang toll.
Pero nang ipinahawak sa mga pribadong kumpanya o isinailalim sa pribatisasyon ang mga ito, ang P6-8 na minimum ay naging P46.
Eh, sa SLEX?
Ngayon ay gusto ulit na magdagdag ang mga ito ng singil.
May kontrata kasi umano na dapat nilang sundin at naaayon sa kagustuhan ng kanilang mga pinagkakautangan upang makapagbayad ang mga ito.
LABAN-BAWI
Noong nakaraang taon, hiniling ng nasabing mga superhighway sa Toll Regulatory Board na magtaas-toll sila sa Enero 2015.
Naganap ang petisyon nila sa TRB noong Nobyembre 10-12, 2014.
Pero noong Nobyembre 20-21, bigla nilang binawi ang kanilang petisyon dahil sa biglang paglobo ng mga kontra-taas-toll.
Pero bago mag-Pasko, Disyembre 9-10 may isa sa mga superhighway ang nagsabing dapat silang magtaas-toll.
MAHIRAP PAHINDIAN
Makapapalag ba ang gobyerno kung itutuloy ngayong taon ng mga kumpanyang may-ari ng mga superhighway ang kahilingan para sa taas-toll fee?
Malaki itong katanungan ngunit pinaniniwalaang pagbibigyan at pagbibigyan ng gobyerno ang kanilang kahilingan.
Gaya ng dati, pang-consuelo de bobo lang ang mga sinasabing konsultasyon.
Sa ibang salita, mga Bro, kung may maibibigay man ang gobyerno sa panig ng mga kokontra sa toll hike, senti-sentimo lang kontra sa piso.
Higit na takot ang gobyerno sa mga dambuhalang kumpanya kaysa sa mura ng mga tao sa mga toll hike.
‘Di bale nang malugi ang mga mamamayan, huwag lang ang mga kumpanya.
Lalo na kung iisipin na baka mas malaki pa ang kinikita ng gobyerno sa bisa ng mga buwis kaysa sa kinikita ng mga kumpanya… gaya ng nagaganap sa industriya ng langis.
TUBONG-LUGAW
Kwento naman ng mga insider o ng mga kritiko, sa laki ng lundag ng singil ng mga ito, sa loob lang ng limang taon, bawi na ang mga ito.
At ang kanilang kontrata sa loob ng 10, 20, 30 taon ay pawang mga tubong-lugaw na lamang.
Ang masaklap, hindi umiimik ang pamahalaan sa usaping ito.
Anong interes ng gobyerno sa pananahimik nito sa tubong-lugaw na kita ng mga kumpanyang may-ari ng mga superhighway?
Ano ang kapalit ng nakabibinging katahimikan ng mga opisyal ng gobyerno sa usaping tubong-lugaw…kung totoo man?
TUBIG NAGMAHAL NA RIN
Ang totoong nangyayari ay ang pagtataas ng bayarin sa tubig ng nasa 20-milyong kataong nakatira sa Mega Manila.
Ang katamtamang presyo ay kulang-kulang sa P5 kada metro kubiko o katumbas ng nasa limang dram.
Para sa ordinaryong pamilya na binubuo ng mag-asawa at may tatlong anak, komukonsumo ito ng nasa 10-30 metro kubiko kada buwan.
Paano kung mas malaki ang konsumo para rito na karaniwan namang nagaganap?
Lumalabas pa nga na kumokonsumo ang isang tao ng isang dram bawat isang araw dahil naliligo ito, dumudumi, naglalaba, at umiinom.
Eh, kung kwentahin natin ‘yan sa 30-araw?
Nakupo, ang laki ng kita ng mga kumpanya ng tubig sa bawat mamamayan.
Pagkatapos, eh, ayaw ng mga kumpanya na magkaroon ng sariling poso o deepwell ang mga mamamayan dahil sanhi umano ito ng pagkasira ng kalikasan sa ilalim ng lupa.
Aprub din ito sa Metropolitan Waterwoks and Sewerage System.
Magkano?
Pwehehehe!
UNANG MALAS
Nakatikim ng unang kamalasan ang mga mamamayan sa pagtataas ng gobyerno ng pasahe sa MRT-3 at LRT-1 at 2.
Mula sa dating P15, naging P28 na ang buong biyahe sa MRT-3.
Mula sa P15, itinaas naman ng LRT-2 ang pasahe sa P25 habang itinaas ng LRT ang pasahe mula sa P20 sa P30.
Sa pagkukwenta natin sa pagtataas ng pasahe, mga Bro, katumbas na ng isang kabang bigas ng National Food Authority ang pasaheng round trip ng nasa 1.5-milyong regular na mananakay ng mga tren.
CONSUELO DE BOBO
Sabi ng gobyerno, “Binigyan naman namin kayo ng gaan sa pasahe sa dyip. May P1 bawas pasahe sa dyipni.
Ang galing talagang magkwenta ang gobyerno ng biyayang bigay nito sa mga nagugutom at naghihirap. Grrrrrrr!
o0o
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA
