MALAKING isyu ngayon ang pagroll-back ng pamasahe. Maraming masaya, pero marami rin ang kontra, lalo na ang mga tsuper dahil naaapektuhan ng pagbaba ng pamasahe ang araw-araw nilang kita.
Para sa akin, hindi lamang ang pagbaba ng presyo ng krudo ang dapat pagbasehan sa desisyon na ibaba ang presyo ng pamasahe sa mga pampublikong sasakyan.
May mga bagay na dapat ding ikonsidera tulad halimbawa ang halaga ng maintenance ng sasakyan, halaga ng spare parts at ang tinatawag na cost of living.
Ang dapat din naman na iniisip ay ang kapakanan ng ating mga driver na laging nasa kalsada para pagsilbihan tayong mga mananakay. Mahalaga na nasa maayos ang sitwasyon ng ating mga driver.
Hindi nga ba laging sanhi ng aksidente ang puyat nila, kapag nagmamadali sila sa pagmamaneho para mas malaki ang kita at kapag namimili ng pasahero dahil sa paghahangad ng mas malaking pera na maiuuwi sa kanilang pamilya?
Oo bawal ang mga ito pero isipin nga natin kung paano maiayos ang mali.
Ang aking mungkahi ay fixed-income na talaga ang mga driver ng public transportation dahil nakita natin ang failure ng boundary system. Pero dapat maayos ang pagkakalatag ng sistema ng fixed-income program.
Halimbawa, dapat limitado ang oras ng pagmamaneho at ‘yung mga assigned na mag-drive sa gabi ay may night differential.
Isa pa, at ang mas mahalaga, dapat ang incentives para sa mga driver ay hindi base sa rami ng naisakay nila kundi base sa performance – na walang aksidente kung saan na-involved sila; na walang mga reklamo tungkol sa kanila na galing sa mga pasahero at ‘yung walang traffic violation.
Kung mas maganda ang record, mas mataas dapat ang bonus.
Ang isa pang malaking isyu ay ang presyo ng spare parts, ito ang sakit sa dibdib ng mga driver.
Pwede kaya na i-regulate ng pamahalaan ang presyo ng spare parts para makatulong sa mga driver?
Talakayin natin sa susunod na kolum ang isyu ng spare parts.
o0o
Mag-email ng reaksyon sa ariel.inton@gmail.com or text sa 09178295982 o 09235388984. SIBOL/ATTY. ARIEL ENRILE-INTON