MAKASAYSAYAN at prestihiyoso ang araw na ito bilang pagsalubong sa pagdating sa ating bansa ni Pope Francis, ang pinuno ng Roman Catholic Church.
Ang Pilipinas ang pangatlong pinakamalaking bansang Katoliko sa mundo, kasunod ng Brazil at Mexico. Ito’y isa rin sa dalawang bansa sa Asya na karamihan ng naninirahan ay Katoliko, na ang isa pa ay East Timor. Kaya inaabangan ng halos 80 porsyento ng ating populasyon ang pagbisitang ito ng Papa.
Sasalubungin si Pope Francis sa kanyang pagdating ngayong hapon ni President Aquino at ng 12 miyembro ng kanyang Gabinete, kabilang na sina Vice-President Jejomar Binay, Foreign Affairs Secretary Alberto del Rosario at Interior and Local Government Sec. Mar Roxas.
Milyon-milyong deboto rin ang inaasahang sasalubong sa Papa mula sa kanyang pagdating sa paliparan at susunod sa kanyang gagawing pagbisita sa Manila Cathedral, University of Santo Tomas at Quirino Grandstand sa Maynila, Mall of Asia sa Pasay, hanggang sa Tacloban City.
Nanawagan si Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) President at Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Villegas sa kanyang social media account na gawing parang pista ng Sinulog ang kapaligiran sa Misa ng Papa sa Luneta sa Linggo, Enero 18. Magdala raw ng imahen ng Sto. Niño at isayaw ang Sinulog na kasama si Pope Francis.
Pero ang limang araw na pagbisita ng Papa ay hindi pawang pagdarasal at pagsasayaw ng Sinulog at pagpapahayag ng debosyon sa pinuno ng Simbahang Katoliko.
Sa katunayan, ito’y maaaring maging pinakamalaking bangungot na kahaharapin ng pinagsamang pwersa ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines.
Umamin si Chief Superintendent Wilben Mayor, PNP spokesperson, na ang pagbibigay ng proteksyon kay Pope Francis ay inaasahang mas mahirap pa sa proteksyon na ibinigay nila kay US President Barack Obama nang dumalaw ito sa bansa sa nakalipas na taon. Inaasahan nilang milyon-milyong Katoliko ang magtitipon-tipon sa mga pupuntahan ng Papa.
Dapat ay may natutuhan na sila sa “Pista ng Itim na Nazareno” noong isang linggo na dinaluhan ng milyon-milyon, at ikinasawi ng dalawang deboto.
Alalahanin na ang seguridad sa naturang okasyon ay pinangasiwaan din ng Manila Police District at ng ibang pwersa ng PNP at itinuring na pagsasanay para sa pagbisita ng Papa.
Ang mga awtoridad ay dapat maging handa lagi sa tuwing nagkakasama-sama ang malaking bilang ng mga tao, dahil ang isang maliit na komosyon ay pwedeng lumaki at mauwi sa stampede o panakbuhan.
Dapat din silang maghanda sa mga sniper sa bukas na bukas na lugar o sa mga nakabalat-kayong mamamatay-tao. Maaalalang nang dumalaw si Pope Paul VI sa Pilipinas noong 1970 ay may killer mula Bolivia, isang pintor na nakasuot pari na nakalusot sa mga awtoridad para saksakin siya na gamit ang kutsilyo.
May plano rin ng terorista na paslangin si Pope John Paul II nang bumisita siya sa ating bansa noong taong 1995. Napigilan lang ito dahil nagkasunog sa apartment kung saan bubuuin ang gagamitin sanang bomba.
Dapat maging maingat tayong lahat at huwag payagan ang anomang bagay na makasisira sa napakahalagang okasyong ito, kung nais natin na ang pagbisitang ito ng Papa ay maitala sa ating kasaysayan bilang araw ng pagdiriwang para sa lahat ng Katoliko, at hindi magwakas sa isang bangungot na hindi na natin magagawang gumising pa.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View. FIRING LINE/ROBERT ROQUE, JR.
