NGAYONG mga araw lang natin nalaman na isang mataas na opisyal ng pulisya ang nag-suicide makaraang maganap ang masaker ng 10 mediaman at dalawang pulis sa Paris, France kamakailan.
Ilang oras lang makaraan ang masaker ng mediamen at makipagkita si Police Commissioner Helric Fredou sa kamag-anak ng mga biktima, nagbaril na ito ng sarili sa kanyang opisina.
Napagod at na-depress umano si Fredou, deputy regional director na may sakop sa Paris, dahil sa pangyayari at maaaring dinibdib nito ang kabiguang gampanan ang kanyang tungkulin na gawing ligtas ang mga mamamayan laban sa mga terorista o sinomang katulad ng mga ito na mamamatay-tao.
PAG-AKO O PAGTAKAS
Maaaring isa na ring pag-ako o pagtakas sa responsibilidad sa massacre ang suicide. Alam naman natin na karaniwang tinatanggal sa puwesto at kinakasuhan ang ganitong mga pulis, lalo na kung klarong may kapabayaan ang mga ito o may malaking pagkakamali sa paghawak sa isang kontrobersyal na kaso.
Maaaring naramdaman niyang naging kahiya-hiya ang kanyang kalagayan at ang pinamumunuan niyang organisasyon ng pulisya kaya inunahan na ni Fredou ang ganitong kalagayan.
Maaari ring direktang pag-ako ng pananagutan ang suicide o hara-kiri para hindi madamay o managot ang iba at maisalba na rin ang dangal ng institusyon o organisasyon na kanyang kinaaaniban.
ATAKE SA PAPA
Hiniling mismo ni Pope Francis bago siya bumiyahe sa Sri Lanka at sa mahal kong Pinas, na ipagdasal ang kanyang biyahe at misyon na pagpapalaganap ng pananampalataya sa Diyos at pagmamahal sa Diyos at kapwa.
Siyempre pa kaisa tayo sa pagdarasal. Pero paano kung may pag-atake sa kanya gaya ng nangyari sa Paris o iba pang anyo nito? At maaaring mapinsala si Papa Kiko o ibang tao. Ano kaya ang gagawin ng mga pangunahing responsable sa kanyang seguridad?
RESPONSABLE
Syempre pa, nandiyan ang mga taga-Palasyo, Department of Interior and Local Government, Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines at iba pa na naatasang gawing ligtas ang pagdalaw ni Pope Francis. Meron ding Vatican police na baon ni Papa Kiko. Naririyan din ang mga obispo, pari, madre, atbp.
Sabi nga mismo ni Pangulong Noynoy noong una, duda siya sa preparasyon ng mga nangangasiwa sa safety kaya nanawagan na siya ng pakikipagtulungan ng mga mamamayan.
Pero paano nga kung may makalusot na mamiminsala?
ALA-LUNETA MASSACRE
Noong maganap ang Luneta massacre, nakita kung gaano kapalpak ang mga pulis natin. Hinaluan pa ng mga epal na politiko na pinabayaan ang lahat at nanood lang.
Makaraang mapatay ni Rolando Mendoza ang walong turistang taga-Hong Kong at mapatay rin siya ng mga pulis, diyan na nagkaroon ng mga turuan. Pulis, politiko, Ombudsman at iba pa.
Magkakaroon din kaya ng turuan at epalan sa Papal attack? May magsu-suicide rin kaya gaya ni Fredou?
o0o
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA