DAHIL siguro sikat nga si Pope Francis, kaya lahat ng sabihin niya ay asahan mong sisikat.
Pero dahil madalas na informal at pangmasa talaga ang mga binibitawang salita ni Pope Francis, hindi talaga nakapagtataka na minsan ay mabatikos siya dahil sa kanyang mga nasasabi.
Ang pinakahuli ay ang sinabi niya raw tungkol sa pagpaparami ng pamilya tulad ng isang kuneho. Hindi ko alam kung ano ang eksaktong sinabi ni Pope Francis.
Ang alam ko, minsan ay gumagamit siya ng mga catchy word para makakuha ng atensyon para maipasa ang kanyang mga mensahe sa kanyang mga constituent.
Naiintindihan ko ang hirap marahil ng simbahan sa paglaban sa mga isyu tungkol sa reproductive health.
Lalo na sa panahon ng kahirapan at gutom, hindi madali na itanggi na ang isa sa problema ng pamilya ay ang masyadong maraming anak.
Noong itinulak namin ang Reproductive Health sa Quezon City, malaking hamon ang pagtutol ng simbahan.
Pero nagwagi ang Konseho ng QC noon nang ako ang Majority Floor Leader at naipasa ang kontrobersyal na RH bill dahil sa malinis na intensyon na tumulong sa mahihirap sa pagpaplano ng pamilya.
Iginagalang natin ang paninindigan ng simbahan pero sa palagay namin, at sang-ayon naman ang mamamayan, na talagang panahon na para sa pagpaplano ng pamilya sa tulong ng pamahalaan at siyensya.
Ang mensahe ng Papa ay simple lang, gaanoman kakontrobersyal ang mga salitang kanyang binitiwan.
Ang gusto niya lang ipahatid sa lahat ay ang responsibilidad ng bawat isa tungo sa mas maayos at maginhawang buhay.
Lalo ang pamilya, ang talagang sinabi ni Pope Francis ay maging responsableng mga magulang tayo. At hindi dahilan ang pagiging Katoliko para hindi maiayos at maplano ang pamilya, kung ilan lamang ang dapat na anak na kayang buhayin nang matiwasay at may kinabukasan ng isang mag-asawa.
Sensitive talaga ang isyu ng family planning.
Ang sigurado ako, walang intensyon ang Papa na makasakit ng damdamin. Ang gusto niya lang talagang sabihin ay nakasalalay sa mga magulang ang magandang kinabukasan ng kanilang mga anak.
***
Mag-email ng reaksyon sa ariel.inton@gmail.com or text sa 09178295982 o 09235388984. SIBOL/ATTY. ARIEL ENRILE-INTON