ISANG financial institution ang nagkaroon ng outreach program sa isang mahirap na komunidad kamakailan. Tinuruan ang mga bata kung paano humawak ng pera o kung paano gumasta at mag-ipon.
Nakatutuwa. Para tuloy gusto ko mag-attend sa ganoong mga outreach program para malaman kung paano ‘yun ginagawa at kung anong reaksyon ng komunidad. Syempre, sa isang mahirap na komunidad, siguro ang pinakaimportanteng problema ay paano kumita ng pera, tapos tuturuan mo ang mga bata ng financial management. Pero tama lang. Lahat ng mga bata ay dapat magkaroon ng tamang kaalaman sa kahalagahan ng tamang paghawak ng pera, mahirap man o mayaman.
Minsan ang kawalan ng tamang kaalaman sa paggasta ay ang unang dahilan ng kahirapan at maganda na malaman na ito agad lalo ng mga bata. At ito’y sa mga paraan na maipakilala ang tamang paghahanap ng finances at tamang paraan ng paggasta, sigurado ako na marami ang matutulungan na maiahon sa sobrang kahirapan.
Una nang dapat ituro ng mga financial institution ang respeto sa pera, hindi pagsamba na ipinagbabawal ng ating mga magulang, kundi respeto.
Respeto dahil mahirap kitain ang pera at respeto na hindi bulagsak ang paggasta. Noon pa ay nanawagan na rin tayo ng tamang pag-orient ng mga bangko sa kanilang mga kliyente para sa tamang paggamit ng credit card at ang malinaw na paliwanag ng mga buwis, user charge, at kung ano-ano pang fees para hindi nabubulagan ang ilan na nag-aakala na ang credit card ay sagot sa kanilang mga pangangailangang pinansyal.
Mabuti talaga na maipaliwanag din sa mga bata ang pinagmumulan ng finances ng pamilya, para makapagtanong sila kung paano kinikita ang pera at kung paano ginagasta o kung saan pumupunta ang bawat piso.
Sa ganitong paraan mas irerespeto nila ang posisyon ng mga magulang bilang mga breadwinner at sana sa kanilang paglaki ay mas maayos nilang ma-manage ang kanilang sariling finances.
Kung mas maaga nating maigigiya ang mga bata patungo sa tamang daan tungkol sa financial stability, makabubuti para sa sambayanan.
***
Mag-email ng reaksyon sa ariel.inton@gmail.com or text sa 09178295982 o 09235388984. SIBOL/ATTY. ARIEL ENRILE-INTON

