WALANG kaarte-kaarte at yabang sa katawan na pumayag na maging panauhing tagapagsalita at pandangal sa joint meeting ng Rotary Club of Malate Prime, Ermita, Manila Midtown, Pasay Centro at Tondo ang anak ni Manila Mayor Joseph Estrada na si Jude Estrada.
Noong una, aakalain mo na suplado itong si Jude dahil nasa isang mesa at halos ayaw makihalubilo sa mga dumarating na miyembro ng Rotary. Pero nang tanungin si Jude, sinabi niya na nahihiya siya sa mga tao at kinakabahan.
Subalit nang ayain siya ng mga miyembro na magpakuha ng larawan, walang tinanggihan ang reserve officer ng Philippine Air Force. Walang pinili at lahat ng kuha ay nakangiti.
Sa kanyang pananalita, masasalamin na walang yabang ang kanyang mga binibitiwang salita sapagkat napakalumanay ng kanyang pagkakabigkas.
Hindi niya ipinagyabang ang kanyang mga nagawang tulong sa mga mahihirap at nangangailangan subalit nagpapasalamat siya sa suportang ibinigay sa kanyang ama noong ito’y nasa kalagitnaan ng laban sa kanyang disqualification case sa Supreme Court.
Light Up Rotary ang theme para 2014-2015 ng Rotary International kaya maihahambing sa isang kandila ang katangian ni Jude.
Tanglaw ito sa liwanag sa mga nangangailangan subalit tahimik lang at hindi ipinagyayabang ang kanyang mga nagawa.
Nang matapos ang kanyang pananalita, bukod sa nagtayuan ang mga Rotarian bilang respeto ay sinalubong siya ng masigabong palakpakan.
Tumayo ang ilang miyembro ng Rotary na lingid sa ilan ay pawang empleyado pala ng city hall at ilang ospital sa Maynila.
Ipinaabot ng mga ito kay Jude ang kanilang kaligayahan sa pagkapanalo ni Mayor Estrada sa kanyang laban.
Buong tikas din na sinabi ng mga ito na natutuwa sila sapagkat naibigay sa kanila hindi lang ang kanilang sahod kundi maging ang bonus at iba pang benepisyo.
Anila, si Mayor Erap ay itinuturing nilang liwanag sa dilim sapagkat nakikita nila ang unti-unting pag-unlad ng Maynila.
Kaya naman, maging ang mga pulis na dapat ay walang pinapanigan ay pawang masasabing ayaw nilang mawala pa si Mayor Estrada sapagkat malaking tulong sa kanilang pamilya ang ibinibigay nitong allowance buwan-buwan. PAKUROT/LEA BOTONES

