TALAGANG bibiliban natin itong Patak Pinoy Housing Cooperative sa Malabon City na pinamumunuan ng founder nito na si Ka Henry (Alves), kasama ang walang pagod din sa pagtulong na si Ka Mario (Valles).
Kung tutuusin, ‘batam-bata’ pa ito kung ikukumpara sa ibang kahalintulad na organisasyon pero malayong-malayo sila sa direksyong tinatahak nito sa layuning lalong mapalakas ito para mas matugunan ang pangangailangan ng daan-daang miyembro nito lalo na sa pabahay.
Ika nga, sobrang ‘mataba’ ang utak nitong si Ka Henry, eh. Bakit kamo?
Kasabay ng nakaumang na pagpapatayo ng mga modern-type housing unit para sa may 600 na homeless member nito mula sa tatlong barangay sa Malabon – Santolan, Maysilo at Panghulo – may mga plano at programa agad itong inihanda upang mapalakas ang kooperatiba na siyang tutulong sa miyembro nito nang hindi na sila mahirapan sa kanilang pagbabayad sa pabahay kada buwan.
Nand’yan ang pagtitinda ng bigas na maaaring pagkakakitaan ng mga miyembro nito. Mas matindi kapag natuloy ang plano nito sa Mindoro kung saan may 10-ektaryang lupain ang pwedeng pagkakitaan ng Patak Pinoy sa pakikipagtulungan ng mga lokal na opisyal ng probinsya at ang higanteng kumpanya na Nestle Phils. na nagpakita na ng interes na mag-invest dito. Ang galing, ‘di ba?
Nito lang nakaraang Huwebes, pinangunahan nina Ka Henry at Ka Mario ang grupo sa pagdalo sa selebrasyon ng ika-100 taon ng kooperatiba sa bansa na ginanap sa QC Memorial Circle kung saan ito’y lalo pang nagningning nang ito’y ‘espesyal’ na ma-acknowledge mismo ng emcee ng programa na si veteran radioman Lakay Gonzalo sa harap ang napakaraming grupo at matataas na opisyal ng pamahalaang nasyonal at si QC Mayor Bistek Bautista.
Sa sobrang debosyon at tiyaga nitong sina Ka Henry at Ka Mario kahit malinaw naman na wala silang personal na pakinabang na mahihita kundi ang matulungan lamang ang tulad din nilang hikahos sa buhay, dapat naman sigurong ibigay ng miyembro ang kanilang suporta at panahon, lalo kung may mga aktibidades ito. In the first place, para sa kanila naman lahat ang anomang ginagawang sakrispisyo ng mga ito.
Saludo kami sa inyo, Ka Henry at Ka Mario, mabuhay kayo!
MAG-RESIGN KA NA MAR!
Eto na ang perpektong panahon mo, Interior Sec. Mar Roxas. Huwag ka nang magpatumpik-tumpik pa, mag-resign ka na!
Tutal wala ka namang gamit o halaga sa administrasyon ni PNoy na tinatawag ng marami na ‘Abnoy.’ ‘Di mo man sabihin, batid ng marami ang sobrang sama ng loob mo dahil ginawa kayo, kasama si PNP OIC Gen. Leonardo Espina, na hunghang dahil lumabas na wala kayong alam sa planong paglusob ng SAF men sa Mamasapano ikinamatay ng SAF 44.
Siguro mas lalaki pa ang tyansa mo sa pagtakbo bilang Pangulo ng bansa kung ngayon pa lang ay bibitiw ka na sa administrasyong Aquino. Tiyak darami ang magsisimpatiya sa iyo, this time hindi na plastik ang tingin sa’yo. Lasama ako riyan, tiyak iyon!
Ano pa, go na! GOOD RIDDANCE/ARLIE CALALO
