MAGSASAMPUNG taon na sa Amerika si Eileen. Itinago niya ang pinakaiingatang lihim sa pamilya. Wala ‘anya siyang mapagsabihan ng kanyang problema.
Tumawag sa Bantay OCW si Eileen at nakiusap itong itago ang kanyang tunay na pagkakakilanlan. Hirap na hirap na ‘anya siya sa Amerika, ngunit ayaw naman niyang umuwi.
Mas mabuti nang lumalaban ‘anya siyang mag-isa kaysa naman makita pa ng kanyang mga mahal sa buhay ang kanyang paghihirap.
Nakapangasawa siya ng dayuhan at nanirahan na sa Amerika. Dati taon-taon ‘anya siya kung umuwi. Ngunit makalipas ang limang taon, dalawang beses na lamang siyang nakauwi.
Ang buong akala ‘anya ng kanyang pamilya at mga kababaryo sa kanilang probinsya, napakayaman niya dahil ipinagkalat niyang nakapangasawa siya ng isang matandang napakayaman. Ngunit hindi naman totoo iyon. Gumawa lamang siya ng kwento upang maiba ‘anya ang pagtingin sa kanya ng mga kamag-anak.
Sa unang limang taon, naging maayos naman ang kanilang pagsasama. Ngunit pagpasok ng ika-anim na taon, dineborsyo siya ng kanyang asawa at ipinagpalit sa mas bata sa kanya.
Wala siyang magawa. Hindi naman niya pwedeng ipagpilitan ang sarili sa asawa kaya nagsimula siyang mabuhay mag-isa.
Hanggang makatagpo siya ng panibagong asawa. Pinakasalan naman siya ngunit mas madalas pa ‘anyang umuwi ito sa mga babae niya kaysa sa kanya. Kaya si Eileen na rin mismo ang humiling na ideborsyo na siya ng pangalawang asawa.
Gayong nakauwi pa siya nitong nakalipas na limang taon, sariling sikap na ‘anya ang lahat ng iyon, pati mga pera at materyal na mga bagay na ipinadadala niya sa kanyang pamilya. Wala ring kaalam-alam ang kanyang mga mahal sa buhay sa kanyang masakit na pinagdaraanan.
Dati-rati kasi wala naman siyang trabaho. Pinaglilingkuran lamang daw niya ang unang asawa at asang-asa lamang siya kay mister. Gayong madalas nilang pag-awayan ang pagpapadala niya ng pera sa Pilipinas, hindi pa rin huminto si Eileen. Hindi raw maintindihan ng asawa bakit kailangan niyang magbigay ng pera. Nagawa pa nga raw niyang nakawan ang sariling asawa upang mapagbigyan lamang ang napakarami at walang katapusang hinihingi ng mga kaanak.
Ngunit sa pangalawang asawa, halos paghirapan niya maging ang pang-araw-araw nilang kakainin. Kaya natutong mag-waitress si Eileen at magtinda ng kahit ano upang may pagkakitaan lamang ‘anya.
Palibhasa’y wala naman siyang nababanggit sa pamilya, kaya patuloy pa rin ang hingi sa kanya. At kung dati’y malaki na ang halagang pinadadala, lalo pang dumagdag ‘anya ang mga kahilingang iyon. Mas madalas, mas malaki sa rati ang nangyari.
Kaya naman todo-kayod si Eileen. Hindi na para sa sarili kundi para sa mga kapamilya sa Pilipinas. Hirap na hirap na ‘anya siya. Hindi niya magawang umuwi. Dahil wala naman siyang mukhang maihaharap sa kanyang mga kapamilya at mga kababaryo sa pag-aakala ng lahat na napakayaman nga niyang talaga.
Hindi matanggap ni Eileen ang katotohanan. At hindi rin niya alam kung paano masasabi ang katotohanan, dahil somebody ‘anya siya sa kanilang probinsya.
Hindi rin niya matatanggap na ang dating halos luhuran ng mga kabarangay, ngayon nanlilimahid na at walang-wala na.
Nasabi na lamang natin kay Eileen na mas madali ang umamin at tanggapin ang katotohanan kaysa mabuhay sa pagkukunwari at pagpapanggap.
Hindi naman maaaring hindi siya matanggap ng mga kapamilya kung iyon naman talaga na ang tunay niyang kalagayan ngayon. Hindi mababawasan ang kanyang pagkatao kung babawasan lamang niya ang patuloy na pag-iilusyon sa pag-aakalang somebody pa rin siya! BANTAY OCW/SUSAN K
