SINO ang boSsing sa Oplan Exodus na may layuning kunin si Zulkifli bin Hir alyas Marwan?
Inamin na ni Pangulong Noynoy na siya mismo ang bosing.
Anoman ang pagtatakip ni dating PNP chief Alan Purisima o pag-iwas pusoy nito na may kapangyarihan siya sa nasabing police operation, kasama rin siya ni PNoy.
Siya pa nga umano ang nag-itsapwera kina DILG Sec. Mar Roxas at OIC ng PNP na si Gen. Leonardo Espina.
Kasunod nito ang pag-ako rin ng responsbilidad mismo ni Gen. Getulio Napeñas ng lahat bilang bosing ng operasyon mismo.
MAGTATAKA KA
Kabilang sa mga misteryo at tila iniiwasang pag-usapan ng mga awtoridad ay ang pagkakasangkot ng mga Kano, lalo na ang Federal Bureau of Investigation.
Noong una at hanggang ngayon, walang inaamin ang FBI na partisipasyon nito sa Oplan Exodus.
Ibig-sabihin, purong operasyon iyon ng mga Pinoy.
Pero ngayong inaamin ni dating SAF chief Getulio Napeñas na may Kano O FBI ngang kasangga nito, magsisinungaling o magtatakip pa ba ng mukha ang mga ito at patuloy tayong pinaiikot sa ating sariling nguso?
Inamin mismo ni Napeñas na tumawag siya sa mga Kano para sa medical evacuation. Pero sa huli, ibinigay nito ang daliri ni Marwan sa mga taong FBI.
FBI ANG BOSSING
Itong huling punto ang isa pang misteryo. Bakit sa mga taga-FBI, mga Bro, ibinigay ni Napeñas ang daliri ni Marwan?
Anong nangyari at hindi ibinigay kay PNoy o kay DILG Sec. Mar Roxas o kay PNP OIC General Leonardo Espina o kaya’y sa National Bureau of Investigation?
Hindi ba nangangahulugan ito ng higit na pagkilala bilang bossing ng mga awtoridad, gaya ni Napeñas, sa mga Kano kaysa sa sarili nilang mga bossing sa pamahalaan?
O may pag-uunawaan na sa pagitan ng FBI at mga awtoridad natin? Sa usaping ito?
‘DI BALENG MAMASAKER
Heto ngayon ang malagim na pangyayari.
Hindi baleng mamasaker ang mga SAF basta makuha ng mga Kano si Marwan, dead or alive?
Lumalabas kasing mahigpit ang pagpakner ng mga Kano at mga pinakamatataas na opisyal ng gobyerno sa layuning makuha si Marwan.
Imadyin, mga Bro, inilihim ang lahat hanggang sa mawalan ng proteksyon ang Fallen 44 at pagkakatayin sila ng mga pwersa ng MILF na tumalo sa kanila sa laban.
Nagsilbing pain ang Fallen 44 at mga nasugatan para mabingwit si Marwan.
CONSUELO DE BOBO
Para sa atin, paghanga sa Fallen 44 at sugatang SAF ang nararamdaman natin.
Dasal din para sa ikapapayapa at ikano-normal ng buhay ng mga naulila ang ating alay.
Pero sa punto de bista ng iba, consuelo de bobo umano ang pagtatanghal bilang bayani sa Fallen 44 at sugatan.
Sa huli, kung magkatotoo na namatay na nga si Marwan, nakatitiyak tayo na aangkinin ang lahat ng dangal ng FBI at mga nagsubo sa kamatayan ng mga SAF.
Lumalabas kasing namo-monitor ng FBI ang pagtawag-tawag ni Marwan sa kanyang mga kasamahan. At lumalabas ding sila pa ang nagturo kung saan matatagpuan si Marwan sa pamamagitan ng electronic surveillance.
Iba naman siyempre ang mga tipster umano ni Purisima. At pinagsama ang mga impormasyon na ito upang isagawa na ang Oplan Exodus.
$5M PABUYA
Nagkakaloko-loko ang reward na $5M laban kay Marwan, dead or alive.
Wala pang naituturong tipster ng awtoridad para tatanggap sa pabuya.
Sabi ng mga Kano, ‘di pwedeng ibigay ang reward sa kahit sinong pulis o militar kundi ibang tao na nag-tip kung saan matatagpuan si Marwan.
Paano kung sasabihin naman ng mga Kano na sila ang nakatukoy sa saktong lokasyon ni Marwan dahil sa kanilang electronic surveillance?
KARAMBOLA
Dahil sa kapal ng mukha ng mga Kano sa pagsasabing wala silang kinalaman sa operasyon kahit kasama sila sa lakad at namatayan pa nga ng isang operatiba, nagkakarambola na lang ang mga Pinoy sa pagkuha ng reward.
Ibig-sabihin, diyan na lang sila umaasa ng anomang biyaya.
Ang tanong ngayon: wala kayang lilitaw na claimant na imbento ng mga naglalaway sa reward?
Ang siste kasi, lahat ng binibigyan kuno ng reward ay top secret at kinokoberan ang mga mukha sa oras ng pagkuha nila ng para sa kanila.
Eh, paano kung imbento lang ang tipster? Diyan na lalabas ang isa pang malagim na katotohanan.
‘Di baleng mamatay ang mga SAF basta may magkapera nang malaki.
KORAP KAHIT KAILAN
Kapag nangyari ang paniniwalaang mas gusto ng mga bosing ang salapi kaysa sa buhay ng mga pulis na namatay at masugatan, anak ng tokwa, wala talagang katapusan ang korapsyon.
Saan patutungo ang mahal kong Pinas kapag ganito nang ganito ang maghahari?
o0o
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA