SIMULA kahapon, may mga pagtitipon ng iba’t ibang organisasyon laban kay Pangulong Benigno Aquino III at mga kabarilan, kabarkada, kasangga at iba pang mga K niya.
Galing sa kanyang mga Boss kung tawagin niya ang mga kumikilos laban kay PNoy at KKKK.
Magtatagumpay kaya ang mga Boss na nagnanais na pababain si PNoy at KKK niya?
KAPIT-TUKO
Hindi naman umano kapit-tuko si PNoy at mga KKKK niya sa puwesto.
Sa katunayan, inaantay na lamang umano ni PNoy ang Hunyo30, 2016 na petsa ng pagbaba niya sa puwesto. Kasama niyang bababa sa puwesto ang kanyang mga KKK.
Ang petsa ang isinasaad ng batas na pagbaba ng isang halal na Pangulo ng bansa makaraang mahalal at manungkulan sa loob ng anim na taon. Ligal na ligal at konstitusyunal pa, katwiran ng mga nasa Malakanyang.
NOW NA
Ayon naman sa mga nagnanais na pababain siya sa puwesto, dapat na umanong lisanin o magba-bye si PNoy sa Palasyo at kasama niyang lalayas ang kanyang mga KKKK.
Now na!
Ito ang mariing ipinanawagan ng mga wala nang tiwala kay PNoy and company na mamuno sa mahal kong Pinas.
Bagama’t itinatakda ng batas at konstitusyon umano ang dapat na paglayas ng isang halal na Pangulo sa Palasyo, pupwede naman umanong mabalewala ito sa bisa ng kusang pagbaklas ng Pangulo ng kanyang mga karapatan sa puwesto.
At kung hindi niya gagawin ito, pupwede umanong mamayani ang kapangyarihan ng mga mamamayan sa pamamagitan ng People Power. At binabalik-balikan ng mga anti-PNoy & KKKK ang mga nagdaang People Power na naging epektibo sa pagpapababa sa sinomang kapit-tuko sa puwesto.
BOSS VS BOSS
Kung hihimayin ang mga pangyayari, tila ang labanan ngayon ay Boss versus Boss. ‘Yun bang = Boss sa Malakanyang at Boss sa mga lansangan.
Hindi na tinatanggap ng mga Boss sa lansangan na tawagin silang mga Boss ni PNoy at hindi rin nila tinatanggap na Boss nila si PNoy.
Sakaling magtutuloy-tuloy ang banggaan ng mga Boss na ito, saan kaya hahantong ang lahat?
NGIPIN SA NGIPIN, MATA SA MATA
Aabot kaya sa ngipin sa ngipin at mata sa mata ang boksingan ng dalawang Boss na ito?
Ang nakatatakot lang na isipin ay kung mabubulag at mabubungal ang nakararami sa mga mamamayan sa salpukan ng dalawa.
Magaganap ito, mga Bro, kung parerhong gagamit ng kamay na bakal ang dalawa sa kanilang labanan. ‘Yun bang aabot sa pagkahati-hati ang mga militar at pulis.
Ang isang bahagi ng mga pulis at militar ay kakampi sa isang panig at kakampi naman sa kabilang panig ang isang bahagi ng mga ito.
Diyan uubra ang mga pingkinan ng mga tingga at pulbura na nasaksihan na rin natin sa mga kudeta na nagdaan.
KAKAMPIHAN NG MAMAMAMYAN
Marahil ay magiging mapayapa lang ang banggaan ng dalawa kung mangingibabaw ang kapangyarihan ng mga mamamayan gaya ng nagdaang mga EDSA People Power.
Ito’y sakaling aabot ang lahat sa sukdulan at wala nang pagbibigayan ng magkabilang panig.
Kaya naman, kung gusto talaga ng sinoman ang pagbabago, dapat na sumandal ang mga ito sa nakararami sa mga mamamayan.
Ang nakararaming mamamayan ang kanilang liligawan upang sumama sa kanila. At walang sisihan kung sakaling magdesisyon ang nakararami na sumama sa panawagan sa pagbaba sa puwesto ni PNoy at mga KKKK niya o hindi sasama para manatili ang mga ito sa kapangyarihan.
HINDI HAYAHAY ANG BUHAY
Lumilitaw ang mga problema na mabibigat sa kasalukuyan.
Sabi ng mga anti-PNoy, klaro na hindi totoo na umuunlad ang buhay ng madlang pipol.
Hindi hayahay ang buhay sa napakamahal na kuryente, mahal na pasahe sa MRT at LRT, mahal na buwis, mahal na pagpapaospital, mahal na pagpapaaral, mahal na presyo ng mga bilihin, kasama ang bigas at marami pang iba.
Naririyan din ang palala nang palala na kontraktuwalisasyon na nagpapatigil sa normal na buhay ng mga mamamayan, nag-aalis ng kanilang karapatan sa mga hinuhulugang tahanan, nagpapalayas sa kanila sa pangungupahan, nagpapatigil sa pag-aaral ng mga bata at nagpapalala ng gutom sa mga pamilya.
Iba pang kawalan ng hanapbuhay hanggang sa mapilitang mag-OFW ang mga obrero at propesyonal at sa iba pang bansa pa sila makaaasa ng makataong kalagayan at pangako sa kinabukasan.
MANHID
Pero ang malaki talagang isyu sa nakalipas na isang taon ay ang umano’y pagiging manhid ni PNoy sa kalagayan ng mga nagdadalamhating maliliit na Pinoy.
Sunod-sunod ang mga kalamidad na tumama sa bansa mula sa malakas na lindol hanggang sa mga bagyo, kagaya ng Yolanda at sinundan ito ng madugo at puno ng sikret sa bayan na Mamasapano encounter.
Mabagal o kinakikitaan umano si PNoy ng kawalan ng ganap na pagmamalasakit sa mga biktima ng kalamidad na galing sa kalikasan at gawa ng tao.
Sa kabilang banda, mabilis pa umano sa alas-kwatro kung saklolohan at makibeso-beso ang mga taga-Malakanyang sa mga angat sa lipunan.
Higit na inuuna nina PNoy ang mga nagkakaproblema sa disgrasya sa Serendra at naghahapi-hapi sa mga kasal at pasinaya ng mga malalaking negosyo.
Hindi sapat ang espasyong ito, sa totoo lang, mga Bro, ang mga problema na pinagmumulan ng giyera sa EDSA ngayon.
o0o
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA