NAKAPANGINGILABOT ang pagdami ng kabataang nalululong sa paninigarilyo.
Tila wala tayong batas upang mapigilan ito. O kung mayroon man, bakit hindi ito umiiral?
Inutil marahil ang mga dapat magpatupad ng pagpigil sa mga batang nalulubog sa naturang bisyo.
May isang sarbey na 7 sa 10 na naninigarilyo ay kabataan. At sa lumitaw na Global Youth Tobacco Survey, naalarma ang National Youth Commission dahil pabata nang pabata ang nagyoyosi.
“Certainly, based on these [the survey’s] estimates, the health of teenage Filipinos are now direly at risk from tobacco exposure and future smoking-related diseases,” ayon sa NYC.
Inaasahan na sa susunod na Global Youth survey ukol sa paninigarilyo, lalo pang lolobo ang bilang ng kabataang magiging “yosi kadiri.”
Sa pinakahuling survey, tinatayang 50.8 porsyento o kalahati ng Pinoy na may edad 13 hanggang 15 ay naninigarilyo na.
Sa totoo lang ay hindi nakatulong sa pagdami ng mga batang nagyoyosi kahit itinaas ang presyo ng mga sigarilyo.
May mga makikita kahit sa harapan ng mga elementary school na estudyanteng nagyoyosi. At sa harapan ng ilang kolehiyo na may malapit na bar, maraming estudyante na makikitang naninigarilyo habang umiinom.
Kumpleto na ang mga kabataan ngayon ng mga bisyo. Alak, sigarilyo at may mga nagdodroga.
Wala kasing nagbabawal o nagpapatupad ng pagbabawal sa mga tindahan na pagbilhan ng sigarilyo ang kabataan kahit naka-uniporme ng kanilang paaralan.
Libreng-libre ang mga kabataan ngayon na makabili ng sigarilyo, hindi lang sa mga sari-sari kundi maging sa mga convenience store.
Kung may batas na ukol dito, dapat ay maghigpit ang mga kinauukulan sa pagbibili ng sigarilyo ng mga tindahan o groserya sa kabataan.
***
Time to shine na sana ni General Benjamin Magalong, hepe ng Crime Investigation and Detection Group at namuno sa Board of Inquiry na nagsiyasat sa Mamasapano massacre.
Pero inagaw pa ito ni Department of Interior and Local Government Sec. Mar Roxas nang ang kalihim ang mag-ulat sa media ng nilalaman ng BOI report.
Imbes na hinayaan sana ni Roxas na si Magalong ang magsabi sa media ng ilang bahagi ng BOI report, siya ang umepal.
Akala siguro ni Roxas ay maniniwala sa kanya ang publiko kung sasabihin niyang walang sala o pananagutan si Pangulong Aquino sa Mamasapano operation.
Pero lalo lang lumabas na sinungaling sina Roxas at PNoy.
Idiniin ni Roxas si Purisima at iniligtas si PNoy bilang tunay na utak ng kapalpakan.
Sino ba naman ang maniniwala?
Ang layo ng sinasabi ni Roxas sa tunay na nilalaman ng BOI report.
Sinadya niyang iligtas ang ulo ni PNoy na totoong may kasalanan kaya naman lalong bumantot ang pangalan ni Mar na tatakbong pangulo sa 2016. KANTO’T SULOK/NATS TABOY
