MAY nagpapatotoo na maraming retailer sa pinamumunuan ni National Food Authority(NFA)-East District Office (EDO) Manager Armando Ray Villacorta ang diskontento sa pamamalakad nito sa ahensya.
Karamihan pa nga umano sa mga rice retailer ng NFA-EDO ang umiiyak dahil sa hindi patas na pagtrato ni Villacorta sa mga magbibigas dahil may mga pinapaboran daw ang huli na mga kaalyadong rice retailer.
Katunayan ang ilang nagrereklamong retailer ay nag-text sa atin at heto basahin natin.
Boss Johnny, gud pm. Ang ibang mga rice retailer dito sa lalawigan ng Rizal ay diskontento sa sistema ng pamamahagi sa mga ‘allocation’ ng NFA-rice. Kini-claim nila na may mga opisyal ng Rizal Rice Retailers Federation ang pinapaboran ni NFA-EDO Manager Ray Villacorta.
Palibhasa ay malaki ang kinikita niya sa mga kaalyado nito kaya hindi nababawasan ang allocation kahit pa bumaba ang demand ng NFA rice sa palengke.
Ang tanong po namin, bumaba ang bentahan ng NFA sa palengke pero bakit nanatili ang malaking alokasyon?
Saan dinadala ng mga rice retailer na kasabwat ni Villacorta ang mga NFA rice?
Ang balita namin ay inililipat lang ng mga kasabwat ni Villacorta ang NFA rice sa ibang sako ‘yung P32 per kilo.
Ang matindi pa nito, Boss Johnny, ‘yung mga NFA rice ay ibinebenta ng ibang mga retailer ng P35 to P37 tapos ay ginagawa naman ng ibang retailer ay ibinebenta naman ng P40 per kilo sa commercial rice.
Ang masakit nito, ang gobyerno ay nagpapalugi o naglalaan ng subsidiya para makabili ng bigas sa ibang bansa sa mataas na presyo para makatikim ang mga mahihirap ng maayos at masarap na bigas pagkatapos ay ninanakaw lang ng ilang tiwaling retailer na kasabwat ng NFA-EDO manager?
***
Anomang reklamo o puna ay i-text lang sa 09189274764, 09266719269 o i-email sa juandesabog@yahoo.com. JUAN DE SABOG/JOHNNY MAGALONA