ANO ba talaga ang nagaganap sa mahal kong Pinas?
Ang sabi ng gobyerno, malaki na ang ipinagbago ng bansa, paunlad na nang paunlad nang paunlad.
Nagkakatrapik-trapik na nga na palatandaan ng katotohanan nito, simpleng patunay ni Pangulong Noynoy.
Bilib na bilib pa nga umano ang mga dayuhan sa tatag ng ating ekonomiya pati na sa politika.
Pero sabi naman ng mga dayuhan at mismong mga Pinoy, bagsak na bagsak na bagsak ang Pinas.
Kasama sa mga bumabagsak ang grado ni Pangulong Noynoy.
PINAS BUMAGSAK
Para naman sa iba, bumabagsak ang Pinas at hindi umaangat.
Ayon sa Social Progress Imperative na nakabase sa Washington D.C., Amerika, mula sa 133 bansang sinarbey nito, bumagsak ang grado ng Pinas sa posisyong 64 ngayong taon mula sa number 56 nitong nakaraang taon sa usaping panlipunang pag-unlad o social progress.
Sinukat ang panlipunang kaunlaran sa 52 palatandaan nito, kabilang na ang pagkakaroon ng tubig, tahanan, kalingang pangkalusugan, kaligtasan, kaalaman, impormasyon, edukasyon at personal ng mga karapatan at kalayaan.
Hinati ang mga ito sa tatlong uri: batayang pangangailangan ng tao, oportunidad at pundasyon para sa hayahay ng pamumuhay.
Sa oportunidad na umunlad umano may malaking pag-asa ang Pinas pero hanggang grado na pang-44 lamang at may grado ring pang-83 sa batayang pangangailangan at pang-70 naman sa hayahay na buhay.
Kaya lang, masama umano ang rekord ng Pinas sa karima-rimarim na krimen, pagtingin sa kriminalidad, karahasan sa politika, kalayaan sa pamamahayag, maagang pagkamatay dahil sa nakahahawang mga sakit, paggamit ng tubig mula sa yamang tubig, diskriminasyon at karahasan sa mga katutubo at pagkakaroon ng tubig mula sa yamang katubigan ng bansa.
Kaya bumagsak ang grado ng Pinas.
SWS AT PULSE ASIA
Nauna sa SPI, sinabi ng Social Weather Station na bumagsak ang pagkakuntento ng tao kay Pangulo sa +11 porsyento na lang sa nakaraang buwan kumpara sa +39 noong Disyembre.
Bumagsak din ang pagtitiwala sa kanya at pag-apruba sa mga pinaggagagawa nito, ayon sa Pulse Asia.
Mula sa 59% na pagtitiwala kay PNoy noong Nobyembre 2014, naging 38 lang nitong Marso habang mula sa 56% na pag-apruba sa kanyang mga gawa, lumagapak ito sa 36%.
Lumalabas na hindi lang ang Pinas ang bumagsak ang grado kundi si PNoy mismo.
O laban ka?
Pero ito’y dahil lang umano sa Mamasapano incident na mismong ang gawa ni PNoy na Board of Inquiry at mga tuta ng Palasyo sa Malakanyang ang nagpabagsak sa kanya.
Imadyinin mo nga naman na sinisisi si PNoy ng BOI habang 20 senador ang pumirma sa resulta ng imbestigasyon ng Senado sa Mamasapano na nagsasabing si PNoy ay responsible sa insidente.
CHOPPER AT TANGKE
Anak ng tokwa, paano kung maisama sa kaisipan ng mga mamamayan ang mga korapsyon sa pagbili ng mga supot na granada ng Special Action Force, lumilipad na kabaong o helicopter mula sa basurahan ni Uncle Sam at bulok na mga armored personnel carrier sa halip na mga tangke, ayon sa pondong bigay ng mga Kano?
Ang modernisasyon ng pulisya at militar ay paurong sa halip na susulong.
Eh ‘di lalong magkandalaglag-laglag ang grado ng Pinas at ni PNoy?
Kaya naman ang Pinas at ang Pinoy ay hindi na lang katuwa-tuwa kundi kawawang-kawawa. Pisting yawa, uy!
MILYUNAN SA BBL
Paano rin kaya kung totoo ang mga bali-balita na may alok sa mga kongresman at senador na P20-milyon hanggang P80M bilang pabuya kung ipapasa nila ang Bangsamoro Basic Law sa pinakamadaling panahon?
Tayo’y hindi naniniwala sa bali-balitang ito at itinuturing nating tsismis lang ito hangga’t walang pumipiyok na mambabatas.
Pero paano nga kung totoo at kasama umano ito sa pinagpulungan sa Malakanyang noon kaya nahinto ang imbestigasyon ng Kamara sa Mamasapano incident?
Binubuksan natin ang ating mga mata rito dahil paano kung matutulad ang BBL sa impeachment noon na ikinasibak ni ex-Chief Justice Renato Corona?
Anak ng tokwa, ang lakas manermon noon ang mga kongresman at senador sa abogadong nagbulgar ng bayaran sa impeachment.
Pero sa huli, nahuli rin sa bibig ang mga kongresman at senador, kasama na ang mga taga-Malakanyang.
Umabot sa P10M minimum hanggang sa P100M ang naging mga insentibo sa mga nagpatalsik kay Mang Atong.
At nagdadaldal na rin ang Malakanyang kung sino-sino ang mga tumanggap para mapigilan ang mga ito na magdaldal nang magdaldal.
o0o
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA