KUNG “inutil” ang Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB) at kahit ang ‘Sheriff’s Office’ ng Parañaque City, lumabas din kayang “inutil” ang tanggapan ni Mayor Edwin Olivarez?
Ito ang tanong ng ating mga miron sa patuloy na pagtatayo ng Diamond Bay Tower Condominium d’yan sa Roxas Blvd., sakop ng ‘City of Dreams’ ni Mayor Edwin.
Dangan kasi, nalaman natin na noon pa palang 2004 — hindi po kayo nagkamali ng pagbasa, dear readers—2004 pa o higit isang dekada na ang nagdaan, meron nang “CDO” (cease and desist order) ang HLURB laban dito sa Diamond Towers!
May petsang Hulyo 20, 2004, at pirmado pa ni dating HLURB-NCR director, Jesse A. Obligacion at ‘naka-address’ naman kay Mr. Bennie Cuason, presidente ng ‘Stanford Resources & Development Corp.,’ na ‘developer’ ng proyekto, inisyu ang CDO dahil sa sandamakmak na paglabag sa mga patakaran at regulasyon ng HLURB at mga natanggap na reklamo ng ahensiya.
Pero, may “pinaghuhugutan” yata ng “impluwensiya” itong Diamond Bay/Stanford dahil walang nangyari sa CDO.
Kaya noong Hulyo 18, 2012, ang Sheriff’s Office na ng Parañaque ang inutusan ng HLURB na magpatupad ng naturang CDO.
Ang katawa-tawa, este, kataka-taka, mga kabayan e, wala pa ring nangyari.
Sanamagan!
Ang patunay rito ay ang nabasa nating panibagong reklamo laban sa Diamond Bay/Stanford nito lang Marso 11 na nakasampa sa HLURB dahil sa patuloy na pagtatayo ng naturang condominium kung saan ang “napeperwisyo” naman ay ang mga katabi nitong establisimyento.
Eh, saan naman kaya kumuha ng awtoridad ang Diamond Bay/Stanford para ituloy ang kapritso, ehek, ang konstruksyon nito kung walang permiso sa HLURB?
Totoo ba, Mayor Edwin na wala ring ‘construction permit’ mula sa iyong tanggapan ang Diamond Bay at ang permiso ay galing lamang (daw) sa barangay?
Aba, aba, aba naman! Mas “hebigat” pa pala ang pirma ngayon ni “tserman” kumpara kay “yorme” r’yan sa Parañaque?
Kilala natin si Mayor Edwin na “kaaway” ng mga baluktot, ng mga abusado at mga sanay lumabag sa batas.
Sa bagay na ito, tila hinahamon ang kanyang “pagkalalaki” kaya tingnan natin kung ano ang susunod na mangyari. Abangan!!! KANTO’T SULOK/NATS TABOY
