SANA, ang lahat ng sinungaling ay maputulan ng dila o kaya naman ay magkaroon ng lock jaw upang hindi na magawa nang paulit-ulit ang kanilang pagsisinungaling.
Isang halimbawa ang mga abogadong masyadong nagmamagaling na upang mapahanga ang kanilang kliyente ay tuturuan ang mga ito na magsinungaling.
Ang abogadong nagtuturo sa kanyang kliyente na magsinungaling ay isang klase ng abogado na hindi talagang mahusay sa depensa.
Pwedeng magsabi ng katotohanan at huwag ilihis ang usapin sa katotohanan basta mahusay ang abogado sa pagtatanggol sa kanyang kliyente.
Ang masakit pa, ang abogadong nagtuturo sa kanyang kliyente ng kasinungalingan ay hindi lang nagtatanim ng kasamaan kundi nagbabaon pa sa kanyang kliyente sa kadiliman.
Napakabait ng pamilya ng may-ari ng milk tea na nakalason sa nurse na si Suzaine Dagohoy na sa batang edad ay pumanaw kung kaya halos mawalan ng pag-asa ang kanyang pamilya.
Ang tanging sumisira sa pamilya ay ang kanilang abogadong si Atty. Benedicto Buenaventura na parating pumapapel para harangin ang imbestigasyon kaugnay ng pagkakalason ni Dagohoy na dahil sa sobrang uhaw dulot ng mainit na panahon ay napabili ng milk tea.
Walang naisip na depensa itong si Buenaventura maliban sa paglulubid ng kasinungalingan at ilagay sa balag ng alanganin itong pamilya ng kanyang kliyente.
Itinuturo ng saksi ang anak ng may-ari na siyang salarin o may sala sa pangyayari kaugnay sa pagkamatay ng dalagang nurse at pagkakaospital ng kasintahan nito. At higit sa lahat sa pagkamatay ng asawa ng may-ari ng milk tea store.
Dahil nais ng abogadong si Buenaventura na mapabilib ang pamilya ng may-ari ng milk tea store at upang hindi masabit ang anak ng kanyang kliyente, tinuruan niya ang mga itong magsinungaling.
Aral ang mga sinabi ng kanyang kliyente sa harap ng camera ng iba’t ibang television network nang magpa-presscon ang mga ito.
Hindi naging maingat ang abogado sa kanyang mga hakbang. Hindi lang pagsisinungaling ang itinuro niya sa kanyang kliyente sa paglusot sa kaso, tinuruan niya na maging artista.
Kaya lang, ginawa ng abogado ang pagsasanay sa kanyang kliyente sa isang lugar sa Quezon City sa harap ng ilang saksi. Itong saksi ang nagsabi na talagang magaling si Buenaventura sa pagsisinungaling kung kaya itinanim niya sa utak ng anak ng kanyang kliyente ang mga dapat bigkasing kasinungalingan.
Praktisadong-praktisado umano ang mga sinabi ng anak sa press conference nito noong nakaraang linggo. Aba’y hindi kaya lalong mabaon sa kasalanan ang kanyang kliyente? Baka sa halip na homicide ang kasong maisampa ay mapalitan ito ng murder dahil sa batid ng nasawing asawa ng may-ari ang mga ginagawang eksperimento ng anak para mapasarap ang kanilang tindang milk tea.
Kapag napatunayang tinuruan ng abogadong magsinungaling ang kanyang kliyente, dapat na masampahan ng kaso sa Integrated Bar of the Philippines. Putulan na lang kaya ng dila? PAKUROT/LEA BOTONES