PATULOY ang pambabraso ng bansan China sa karagatan at paggamit ng impluwensya sa mga kalapit na bansa tulad ng Pilipinas, na batid nilang mas mahina at pwede nilang apihin anomang oras nila gustuhin.
Noong Lunes ay nagpahayag si General Gregorio Catapang, Armed Forces Chief-of-Staff, na pinag-iisipan ng gobyerno ang paggamit ng mga barko ng Philippine Coast Guard (PCG) upang samahan at protektahan ang mga Filipino na nangingisda sa West Philippine (South China) Sea.
Ito’y matapos makumpirma ng PCG na noong Abril 9, ang mga mangingisdang Filipino sa Bajo de Masinloc, na kilala rin bilang Panatag Shoal at Scarborough Shoal na matatagpuan 124 nautical miles mula sa baybayin ng Zambales, ay muling pinalayas sa kanilang pinangingisdaan ng isang barko ng Chinese coast guard na gamit ang water cannon.
Nagkatensyon sa lugar noong 2012 nang pigilan ng mga barkong pang-surveillance ng China ang Philippine Navy na arestuhin ang Chinese poachers na nangolekta roon ng endangered species na pandagat. Mula noon ay hindi na lumisan ang China at pinigilan nila ang ating mga mangingisda na pumasok sa lugar.
Bukod sa problema sa Bajo de Masinloc, naglagay ng bakod ang mga barko ng China upang pigilan ang Philippine Navy na makapagdala ng supplies sa mga kawal nating Marine na nakatalaga sa BRP Sierra Madre, isang nakasadsad na barko ng Navy na nagsisilbing military detachment para magbigay ng seguridad sa Ayungin (Second Thomas) Shoal.
Kung aangkinin ng China ang Panganiban (Mischief) Reef na matatagpuan 135 milya sa kanluran ng Palawan kasunod ng malawakan nilang reclamation sa West Philippine Sea, ay baka mawalan tayo ng daan at koneksyon sa Ayungin Shoal.
Mahihiwalay rin tayo sa Pag-asa Island, ang pinakamalaking isla ng ating bansa sa pinagtatalunang Spratlys kung saan matatagpuan ang bayan ng Kalayaan na nasasakupan ng Palawan, at may 200 residenteng Pilipino.
Ang China ay gumawa ng windmill, basketball court, garrison, solar panels at helipad na yari sa kongkreto sa Mischief Reef para ipakita na kontrolado nila ang lugar, bagaman nakapaloob ito sa 200 nautical miles na exclusive economic zone (EEZ) ng ating bansa.
Nangangamba si Catapang na kung ire-reclaim ng China ang Mischief Reef at nawalan tayo ng koneksyon sa Ayungin at Pag-Asa, magiging banta ito sa atin lalo na sa pagdadala ng mga supply sa mga kawal nating nagbabantay sa lugar.
Nag-aalala rin ang militar sa susunod na hakbang ng China kapag natapos nito ang konstraksyon sa mga artipisyal na munting pulo at mga proyekto sa kalapit na Kennan, Mabini, Kagitingan, Burgos at Zamora Reefs. Ang posibilidad na magtalaga ang China ng mga barkong militar para bantayan ang mga lugar na ito ay lalong magpapalala sa tensyon.
Sa lahat ng taktikang pang-aapi at agresibong pagpapakita ng kapangyarihan ng China, ang pwede lang gawin ng Pilipinas ay dumaan sa ligal na pamamaraan at magprotesta sa International Tribunal on the Law of the Sea.
Batay ang reklamo sa United Nations Convention on the Law of the Sea (Unclos) kung saan malinaw na nakasaad na may 200 nautical miles na exclusive economic zone ang bawat bansa.
May mga naniniwalang hindi lalala ang sitwasyon kung hindi maluwag ang gobyerno sa pagbabantay sa karagatan at sa halip, ay pinagsikapang ipakita sa mga dayuhang barko na pumapasok sa ating teritoryo na ang ating bansa, maliit man kumpara sa mga higante ng mundo, ay mahigpit ang seguridad at kayang ipagtanggol ang ating teritoryo anoman ang mangyari.
Ipinagmalaki ni President Aquino sa ikalawa niyang State of the Nation Address (SoNA) na: “Ang sa Pilipinas ay sa Pilipinas; kapag tumapak ka sa Recto Bank, para ka na ring tumapak sa Recto Avenue.” Sinabi rin niya na “handa tayong ipagtanggol ang sa atin.” Ano kaya ang nangyari?
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View. FIRING LINE/ROBERT ROQUE, JR.
