ANYARE, Mr. President Noynoy? Bakit pabagsak nang pabagsak ang satisfaction rating ng iyong administrasyon?
Kung hindi pinaglololoko ng Social Weather Station ang bayan at totoo ang inilabas nitong sarbey ukol sa nabanggit na usapin, aba, dapat nang magbalot-balot na kayo at maghanda sa pag-alis sa Palasyo, kasama ang inyong mga kabarilan, kaklase, kabarkada, katiwaldas, kamag-anak at iba pa.
5-TAONG SARBEY
Sa limang taong sarbey, nasa +64 sa 100 milyong Pinoy ang nasisiyahan sa administrasyon Aquino sa una niyang taon.
Ngayong unang tatlong buwan ng taon, anak ng tokwa, nasa 19M na lang ang happy sa kanyang administrasyon.
Pare-pareho ang mga mayayaman at mahihirap na hindi happy sa performance ni PNoy.
Hindi ba dapat pataas nang pataas ang bilang ng mga natutuwa rito dahil sa panay-panay na ulat mismo ni PNoy na gumaganda na ang ekonomiya ng bansa at kinikilala na ang Pinas maging ng mga dayuhan?
Bakit kabaligtaran ang pakiramdam ng mga PNoy sa state of the nation tuwing nagbibida ito sa kung kani-kanino sa loob at labas ng bansa?
DEDMA AT PANGAKO
Dinededma lang ng mga taga-Palasyo ang sarbey na ito.
Katwiran nila, nabubulagan lang ang mga PNoy sa mabubuting gawa ng gobyernong Aquino sabay sabing pagkaalis na lang ni PNoy sa Palasyo mararamdaman ang magandang bunga nito
Ganu’n ba? Hehehe.
Hindi kaya tayo ginagawang stupid ng mga ito?
Sabi naman ng ibang sipsip sa Palasyo, kahit ngayon ay dapat sanang makita ng mga mamamayan ang mga mabubuting gawa ng gobyerno at hindi mga masasama lamang.
Paano mo naman mapipilit ang marami na dapat matuwa kay PNoy, aber?
Malaking bagay umano kung bubuti ang ekonomiya, at kung ganu’n, ang buhay-buhay ng mga mamamayan. At dito umano magsisikap ang Palasyo.
Very good kung ganu’n!
KABIG DITO, KABIG DOON
Alam kaya ng gobyernong Aquino na ang tingin ng marami ay ito mismo ang pinagmumulan ng paghihirap ng mga mamamayan?
Sampol ang anila’y sobra-sobrang paniningil ng buwis ng pamahalaan kahit sa mga isang kahig, 10 tuka.
Mga maliliit na magbibilao o vendor, traysikel at jeepney driver at operator, maliliit na magsasaka, maliliit na sari-sari store at iba pa.
Halos lahat pinagagawa ng resibo o pinabibili sa Bureau of Internal Revenue ng mga libro de kwenta at ang masakit, kahit nagkakandalugi-lugi ang mga maliliit na negosyo, sinisingilan sila ng buwis.
Kabilang sa mga pigaan ng dugo ng mga mamamayan ang Land Transportation Office.
Anak ng tokwa, burado na ang mga multa na P150-P300 sa mga traffic violation. P1,000 na ang pinakaminimum at nakararami na ang P3,000 hanggang P10,000-P50,000.
Sabi ng mga tsuper, dapat painumin na lang umano ang mga taga-LTO at BIR ng tsaa para magtanda. Aw!
NAKAW RITO, NAKAW ROON
Ang nakapaninindig-balahibo, mga Bro, ay ang mga nakawan at suhulan na napakalalaki ang mga halaga.
Nangyari ang suhulan sa impeachment ni ex-Chief Justice Renato Corona at may alingasngas na suhulan din sa Kamara kaugnay ng Mamasapano incident.
Kabilang naman sa mga kontratang may nakawan at dayaan ang dinesisyunan ng Supreme Court kamakalawa na kontratang Commission on Elections at Smartmatic.
Naririyan din ang mga daan-daang bilyong pisong kontrata sa Public-Private Partnership na ikinaiiyak ng mga natatalo dahil umano sa dayaan mismo mula sa pasubasta hanggang sa implementasyon ng mga proyekto.
Muntik pa ngang nadamay ang P10B pondo ng Malampaya fund para sana sa emergency power ni PNoy laban daw sa krisis ng kuryente.
Pambili raw ng mga higanteng generator at pambayad sa mga malalaking kumpanya sa paggamit ng mga ito ng sarili nilang mga generator sa oras ng brownout-blackout Cory Aquino style.
SINO ANG HAPPY?
Kung ililista ang mga bangungot ng mga mamamayan, aba hindi mabilang sa daliri.
Sa hanay ng mediamen, mga Bro, nasa tatlong dosena nang mediaman ang pinapatay at kakaunti lang ang nalulutas dito.
Kapag tanungin mo ang mga biyahero: namamasada man o negosyante, anak ng pitong putakte, iniiyakan nila ang mga katakot-takot na kotongan sa lansangan.
Napakalalaki na nga ang mga multa, naglipana pa ang mga traffic enforcer, traffic police, pulis at iba pang kotongista.
At sino ang nasisiyahan sa sobrang mahal na halaga ng kuryente, tubig, edukasyon, materyales at permit sa paggawa ng bahay, piyesa ng mga sasakyan, malaking oil price hike at kakarampot na bawas-presyo rito at iba pa?
Name it, you have it sa mga dayaan at nakawan sa gobyerno at pagpapahirap ng gobyerno sa mga mamamayan.
Ngayon aasa ang Palasyo na maging happy ang lahat?
o0o
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA