INILABAS na ng gobyerno ng Indonesia ang “order of execution” sa mga hinatulang foreign drug mule na dinala na kamakalawa sa isang isla kung saan isinasagawa ang firing squad.
Ibig-sabihin, ang mga dayuhang drug convict, kabilang na ang Pinay na si Mary Jane Veloso ay posible nang bitayin anomang sandali.
Natanggap na rin ng pamilya ni Veloso ang kopya ng order of execution at sinasabing nilagdaan na ito.
Ibinasura ng Jakarta ang apela ng gobyerno ng Pilipinas para bigyan ng “presidential clemency” si Mary Jane.
Ang parusang “firing squad” kay Veloso ay kabayaran lamang sa isang capital offense na nagawa niya sa Indonesia.
Pero para sa kanyang pamilya, si Veloso ay biktima lamang ng isang human at drug smugglers.
Biktima rin si Veloso ng sobrang kahirapan sa bansa lalo sa probinsiyang kanyang pinagmulan.
Si Veloso ay halimbawa ng isang taong “kapit sa patalim.”
Sa laki ng porsyento ng Filipinong naghihirap, marami ang napipilitang magpagamit sa mga sindikato bilang drug mule.
Nahuli si Mary Jane noong 2010 nang matuklasan sa kanyang bagahe ang dalawang kilo ng heroin.
Ayaw palampasin ng Indonesia ang argumentong walang alam si Mary Jane sa drogang nakalagay sa kanyang bagahe.
Kaya ngayo’y pagbabayaran niya nito.
Humingi ng pang-unawa ang Indonesia sa Pilipinas na igalang ang kanilang batas.
May sarili ring batas ang Pilipinas laban sa mga tulak ng ipinagbabawal na gamot.
Ngunit hindi kagaya sa Indonesia, mahina ang pagpaparusa ng ating bansa laban sa drug traffic.
Ang matindi, nakahihiya ang Pilipinas sa pagsugpo sa droga. Ang mga drogang nakukumpiska ng ating awtoridad ay muling naibebenta sa mga adik.
Kadalasan, ang pasimuno ay mismong mga law enforcer natin. At “onli in da pilipins” na ang mga nahatulan na mabilanggo sa pagtutulak ng droga ay patuloy na nakapagtutulak kahit nasa loob na ng guwardiyadong karsel gaya ng Bilibid.
Onli in da Pilipins din na ang mga pusakal na tulak ay “binebeybi” imbes na binibitay. KANTO’T SULOK/NATS TABOY