DALAWANG pangyayari ang may pinaghalong lungkot at saya sa mga araw na ito.
Ang boksingan nina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather at ang kaso ni Mary Jane Veloso.
NALUNGKOT
Ang saya sa labanan nina Pacquiao at Mayweather ay nauwi sa lungkot sa nakararami sa atin.
Masaya sa oras ng labanan at wala talagang nakatitiyak kung sino ang magwawagi sa dalawang kampeon sa boksing.
Nang matapos ang labanan, landslide pabor kay Maywether ang iskoran.
Doon na nalungkot ang marami. Ang masa-ya lang siguro ay ang mga nanalo ng pustahan at pumusta kay Pacman.
Pero ‘yung iba na pumusta kay Manny, doble malas ang inabot. Nawalan na sila ng saya, nabutasan pa sila ng bulsa.
Better luck na lang next time.
MABABARAT
Tantiya lang natin ito, mga Bro. Maaaring hindi pa magbibitin si Manny ng glab. Maaaring itutuloy pa nito ang boksing dahil ito nga ang paborito niyang laro.
Pero maaaring bababa na ang kanyang presyo. Lalo na kung ang mga makakalaban niya ay pawang pipitsugin.
Hindi lang natin alam kung magiging barya-barya na lang kumpara sa napakalalaking halaga ng mga papremyo sa kanya sa nakaraan niyang mga laban.
Sa totoo lang, ginamit si Pacquiao ng ilang boksingero para sila kumita ng halagang hindi nila kayang kitain kung sarili nilang ngalan ang dala-dala nila.
Kung tutuusin, bata pa si Manny sa edad na 36 at pupwede pang paabutin ang kanyang pakikipaglaban sa edad ni Mayweather na ngayo’y 38.
BOXER NA, MANAGER PA
Ang magandang gawin siguro ni Manny, eh, magtayo siya ng ahensiya para sa pagpapaunlad ng boksing.
Pupwede rin siyang maging bahagi ng sangay ng pamahalaan na magtataguyod ng boksing at iba pang isports na roon tayo pupwedeng maging kampeon sa mundo.
Bilang isang kongresman sa ngayon, pupwede siyang magbalangkas ng mga batas na lilikha ng mga kondisyon sa isports na doon tayo magkaroon ng dangal at kita na rin bilang isang bansa.
Marami ang pupwedeng gawin ni Pacman.
Sa totoo lang, normal ang manalo-matalo sa sports. Kaya naman hindi dapat na mawalan ng gana si Kongresman Pacquiao ukol dito.
Dapat nga itong magpursige at mag-isip ng paraan kung paano nito itulak ang pamahalaan na pahalagahan ang sports sa bansa.
KONTRA KORAPSYON
Heto pa, mga Bro, ang isang mahalaga.
‘Di nga ba kinokorap ang mga pondo sa sports program ng pamahalaan? Baka makatulong si Pacman laban sa korapsyon.
Hindi magandang tingnan na walang magandang pasilidad ang ating mga kampeon.
Hindi rin magandang tingnan na nagsasanla o nagbebenta ng mga kagamitan ang ating mga manlalaro para lang sila makasali sa ibang bansa sa mga palaro.
Nakalulungkot din ang katotohanang kulang sa uniporme, sa pagkain at iba pa ang mga atleta natin.
Hindi rin magandang hahayaang maghari ang paboritismo sa sports at tanging ang mga may pera lang at nanunuhol ang mga sumasali sa sports.
Korapsyon sa sports ang tawag sa lahat ng mga pangyayaring ito. O Kong. Manny Pacquiao, anong sey mo, huh?
THANKS, AY ‘DI BALE NA LANG
Isa rin sa nakalulungkot ang pagbawi ng pasasalamat kay Pangulong Noynoy ng pamilya Veloso sa pagkakaligtas ni Mary Jane Veloso sa firing squad.
Kanya-kanya ang mga kaisipan dito, mga Bro, at nag-aaway-away na nga ang marami.
May sumasang-ayon kay PNoy, na dapat siyang pasalamatan. Mayroon namang kumakampi sa mga Veloso.
Kung sino ang tama, kayo na lang ang magpasya dahil may mga pinaghahawakang katwiran ang mga ito.
HULI NA NANG KUMILOS
Ang ligal na usapin, mga bro, ang ating isasalang na pupwedeng pag-usapan.
Kung tama ang mga nakakalendaryong galaw ng kaso ni Mary Jane, walang tulong na ligal ang gobyernong Aquino habang nililitis ang kanyang kaso sa sasabihin nating katumbas ng regional trial court natin.
At tumulong na lang ito makaraang ideklara ng mababang hukuman na guilty si Mary Jane.
Alam ba ninyo na sa mga oras ng paglilitis ang pinakakritikal sa isang kaso at dapat na dito pa lang ay kumikilos na ang pamahalaan?
Habang nililitis ang kaso, nagsabi na ang mga abogadong taga-Indonesia na habulin ng ating pamahalaan si Kristina Sergio at mga kasabwat nito sa pagbibiyahe at pagpapabiyahe ng droga.
Pero wala yatang pagpupursige ang pamahalaan hanggang sa mataranta ang lahat sa firing squad.
Bahala na kayo, mga Bro, kung dapat ngang pasalamatan o hindi ang pamahalaang Aquino sa pansamantalang pagkakaligtas sa firing squad ni Mary Jane.
o0o
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA