ANG paghaharap na Manny Pacquiao-Floyd Mayweather, Jr. na binansagang “Fight of the Century” noong Linggo sa Las Vegas, na inasahan ng lahat na isang mahigpit na bakbakan, ay naging “habulin-mo-ako-kung-kaya-mo” na klase ng laban.
Tulad ng tuwing laban ni Pacquiao, walang trapiko sa mga kalsada at pati mga kriminal, gaya ng lahat, ay nagpahinga para manood ng boksing sa mga sinehan, bar, sports center o sa kanilang mga tahanan, handang ipagbunyi ang kanilang idolo sa tuwing babanatan niya ang kalaban.
Isa itong pinanabikan at inasam na laban sa pagitan ng dalawang pinakasikat na boxer sa panahong ito.
Ilang ulit nang nagbigay ng palusot si Mayweather para lang makaiwas na makaharap ang ating “Pambansang Kamao”.
Pero sapat nga ba ang paghihintay ng lahat sa labang ito na inabot ng limang taon bago maisakatuparan?
Maliwanag na si Pacquiao ang agresibo sa laban habang hinahabol niya si Mayweather sa paligid ng ring, habang binira ito ng malalakas na suntok sa ulo at katawan sa tuwing makakikita ng pagkakataon.
Nakita rin ng mga tagahanga kung gaano kahusay si Mayweather sa pag-iwas kay Pacman, ang pambihira niyang bilis para makalayo sa mga solid na suntok ng Filipino na may lakas na pwede sigurong magpabagsak ng baka, at pagyakap kapag nagpapakawala si Pacman ng sunod-sunod na bira.
Ito ang laban na nakita ng mga nagpunta sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas at ng mga tagahanga na nanonood saanmang bahagi ng mundo.
At sa nakitang pagiging agresibo ni Pacquiao, hindi maiwasang magdamdam ang mga tagahanga sa buong mundo at isiping nadaya sila sa nagkaisang desisyon ng mga hurado – 118-110, 116-112 at 116-112 – na nagdeklarang si Mayweather ang nagwagi sa laban para pag-isahin ang titulong welterweight ng WBA (super), WBC, WBO at The Ring Magazine.
Ang mga tanyag na tao’y idinaan sa social media ang kanilang sama ng loob, kabilang na ang mayamang negosyante na si Donald Trump na nag-tweet na “the fight was a total waste of time. The aggressor lost?”
Ang aktor na si Jim Carey ay may reaksyon din: “Big let down in Vegas. Was that a boxing match or ‘Dancing With The Stars’?”
Si Sylvester Stallone, na naging superstar sa pagganap bilang kampeon ng boksing sa mundo sa mga pelikula niyang “Rocky,” ay nagkomento: “MANNY PACQUIAO without a doubt the single bravest, and most EXCITING fighter to ever lace on gloves… No one comes close. SEEN them ALL!”
Sa panayam ng ESPN sa dating heavyweight champion ng boksing na si Evander Holyfield ay nagpahayag ito na sa palagay niya’y si Pacquiao ang nanalo.
Dapat daw iniskoran ng mga hurado ang laban na pabor sa agresibo na sa paniwala niya’y si Pacquiao.
Maaaring hindi nabanatan ni Pacman si Mayweather na tulad ng pagdurog niya sa mga naunang kalaban. Pero maliwanag niyang naipakita sa mundo na pumunta siya para makipaglaban at dinala naman niya ang laban kay Mayweather, na nakitang tumatakbo at yumayakap kadalasan para makaiwas sa malalakas niyang suntok.
Nang tanungin sa madalas na pagyakap ni Mayweather habang naglalaban sila, ang pabirong sagot ni Pacquiao ay: “Mahal niya yata ako.”
Naniniwala ang Pambansang Kamao na nanalo siya sa laban at nasa kanya ang lahat ng karapatan para sabihin ito. Sa kabila ng desisyon ng mga hurado na maaaring iba ang nakita, si Sarangani Representative Manny “Pacman” Pacquiao ay mananatiling kampeon sa puso ng bawat Pilipino sa buong mundo.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View. FIRING LINE/ROBERT ROQUE, JR.
