ASTIG na nakasanayan na nating hambalusin ang mga ungas na opisyal ng pamahalaan.
Kumbaga, hindi estilo ni Burdado ang pumuri sa espasyong ito, pero kung ang lingkod-bayan ay may kakaibang paraan para maging epektibo sa kanilang tungkulin ay hindi rin natin ito pinalalagpas na hindi saluduhan upang lalo pa nilang pag-ibayuhin ang ginagawa.
Unahin natin, parekoy, itong bagong-upo na PNP Provincial Director ng Masbate na si S/Supt. Jesus Centino Martirez.
Ang kanyang pag-upo ay biglang sinalubong ng mariing dagok kung saan ang milyonaryong negosyante na si Jesus “Ka Isong” Amaro ay pinasok sa kanyang tahanan at pinatay, kasama ang kanyang anak at alalay.
Bilang baguhan sa lalawigan at sa estilo ng Masbate ay inaasahan ng mga Masbatenyo na mangangapa si PD Martirez.
Ngunit ilang araw lang ang lumipas ay kaagad nitong nalutas ang napakalaking krimen.
Ang kilabot na “wanted person” sa Bicol region na si Randy Ogad ng Camarines Norte ay positibong kinilala ng mga witness bilang pangunahing salarin sa krimen.
Ating napag-alaman, parekoy, na si Ogad at ang kanyang mga kasamahan ay pormal nang sinampahan ng kaso sa korte.
Kung ang mga PD ng Masbate noon ay may calibre o dedikasyon na gaya ng sa iyo, S/Supt. Martirez, disin sana ay hindi sandamakmak ang “unsolved cases” sa lalawigan kong mahal!
-o0o-
Kamakailan lang, sa isang bayan sa Masbate ay nakadaupang-palad natin ang bagong upo na DILG Provincial Director ng lalawigan na si Edwin F. Garcia.
Kung tutuusin, ang dating Provincial Board Member ng Sorsogon na si Garcia ay dapat mayabang o matikas ang dating.
Pero iba ang ating napuna.
Ang narinig na mangilan-ngilang pananalita mula sa nasabing opisyal ay ramdam natin, parekoy, na nababalot ng sinseridad.
Ika nga, “down to earth” itong nasabing opisyal! At sa mga nagdaang araw ay pinatunayan sa atin ng mga DILG officer na, maliban sa mga opisyal na meeting o dayalogo, maglalaan talaga si Garcia ng sapat na oras para maka-bonding ang mga tauhan.
Ang katwiran nito, kung siya’y makapagpundar ng personal attachment sa kanyang mga tauhan at madama ng mga ito ang kanyang hangarin para sa isang tapat na serbisyo ay walang pagsala na sila’y magiging katuwang ng DILG sa pagsulong ng kanilang sinumpaang tungkulin.
Kaya naman, sa inisyal na pagsuri sa “arayb” ng serbisyong ipinakikita ni DILG Provincial Director Edwin Garcia at PNP Provincial Director S/Supt. Jesus Martirez, ang masasabi natin ay “panalo” ang mga Masbatenyo!
Saludo sa inyo lahat ang Burdado! BURDADO/JUN BRIONES