PABOR tayo sa mga lumalabas ngayon na panukalang buwagin na lang ang Road Board na siyang nangangasiwa sa ibinabayad na road user’s tax tuwing tayo’y nagrerehistro ng ating mga sasakyan.
Sa totoo lang naman kasi ay ginawa lamang gatasan ng mga politiko itong road board na kung bubusisiin ng Kongreso ay tiyak na mawawalan ng kwenta ang pork barrel scam ni Janet Napoles.
May tama si Sen. Koko Pimentel sa kanyang obserbasyon na maraming kwestiyunableng proyekto ang tinustusan ng Road Board na nabuo sa pamamagitan ng Republic Act No. 8794 na siyang nagtakda para sa paniningil ng Motor Vehicle User’s Charge o road user’s tax.
Mabuti nga kung may proyekto talaga dahil sa pagkakaaalam ko, eh, parang ipinamumudmod na ice candy ang Special Allotment Release Order sa mga mambabatas na malakas sa Road Board.
May kakilala nga ako na kung full-time hanapbuhay na niya ang maglakad ng mga SARO ng mga politiko, sa bawat halaga na nakuha niya ay mayroon siyang komisyon.
Maliban sa simpleng pagbubuwag sa Road Board, mas maganda sana kung busisiin ding mabuti ni Pimentel itong kasalukuyang pangasiwaan nito at maging sa nakalipas na administrayon.
Baka mahihiya si Janet Napoles kapag tuluyang mabuyangyang sa publiko ang laki at lawak ng korapsyon sa paggamit ng Road Board sa ating road user’s tax.
Tiyak na napakaraming pangalan ng ating mga mambabatas ang lalabas dito dahil kapag minsan ang SARO ay ginagawa pang “birthday gift” ng mga taga-Road Board na nagpapasipsip sa mga mambabatas.
Batid din natin na bagama’t naging talamak ang pagnanakaw sa ating user’s tax noong mga nakalipas na administrasyon, buhay na buhay pa rin ang kalokohan dito sa ilalim ng Tuwid na Daang (kuno) na pamumuno ni PNoy.
Maniniwala lang siguro ako na walang alam ang kasalukuyang pamahalaan sa mga kalakaran sa Road Board kapag simulan nitong busisiin ang naturang ahensiya at sampolan ng kaso ang mga nangangalakal ng SARO na galing sa ating road user’s tax.
****
Para sa inyong mga sumbong tungkol sa mga mali sa lipunan at mga tiwaling lingkod-bayan, mga komento at suhestyon, mag-e-mail lamang sa gil.bugaoisan@gmail.com. BIGWAS/GIL BUGAOISAN