OH siya bago ang lahat, belated happy birthday muna kay Mayor Herbert Bautista na simpleng nagdiwang ng kanyang kaarawan noong Mayo 12. Huli man daw po ang pagbati, tuloy pa rin ang ligaya (huli pa rin).
Maraming nagtungo sa Quezon City Hall para bumati sa kaarawan ng butihing alkalde at dumalo ng misa. Ibig-sabihin, maraming nakaalala at nagmamahal kay Bistek.
Pero may pagkakataong hindi lahat ay nagmamahal sa kanya at ang ilan po sa mga ito’y kabilang sa Quezon City Police District.
Bakit? Kasi may mga pagkakataong kinakalaban si Mayor Herbert ng ilang opisyal ng QCPD na kanyang pinagkakatiwalaan sa usapin ng katahimikan at kaayusan. Hindi po kabilang ang district director na si Chief Supt. Joel Pagdilao.
Pero merong mga opisyal na nagbubulong kay Pagdilao na alamin ang mga galaw ni Mayor Herbert kung kaya ayaw nilang maitalaga sa malapit sa tanggapan ng alkalde ang mga totoong tauhan nito.
Inaakala nila na may mga pinagkakaperahan sa QC hall na kailangang may hati sila. Ano ba ‘yan pera ang ugat ng kanilang duda?
Bakit hindi na lang pakialaman ang krimeng nagaganap sa QC? Sa totoo lang marami pa rin ang reported na motor and vehicle theft sa lungsod. Hindi lang nahahanap na mabuti pero ang totoo ang mga ssakyan ay nasa impounding area sa Pasig.
Paano napunta? Tinatangay po ng towing trucks ng PR ng isang opisyal ng QCPD. Dito kasi sila kumikita sa porsyento. Wala namang ginagawang hakbang ang hepe ng district traffic enforcement unit na si Supt. Ely Pintang. Baka may porsyento rin siya?
Ang mga pangunahing daan sa lungsod ay nagiging parking ng ilang malalaking trak na hindi makabiyahe dahil sa truck ban. Ang masakit, may mga nakabantay o escort na traffic enforcers at pulis sa mga sasakyang ito.
Balewala sa mga bantay kung masikip ang daanan. Kung ang mga simpleng disiplina ay hindi kayang ipatupad ng ilang pulis sa QC na nais wasakin ang magandang pundasyon ng alkalde sa lungsod, paano pa kaya ang pagpapatupad ng malalaking ordinansa at batas?
Ngayon pa lang ay dapat nang mag-isip si Mayor Bautista. Dapat mapansin niya na kapag natalikod lang siya sandali (read as nag-abroad) ay nawawala na sa puwesto ang kanyang mga pinagkakatiwalaang pulis.
Kaya nga, Mayor Bistek, bawal kang pumikit hanggang nasa QCPD ang isang opisyal na may tagong galit sa iyo.
Eh, kung asarin mo kaya? Italaga mo ang bata mong si Supt. Ritchie Claravall sa traffic at tiyak magpuputok ang butse ng opisyal na iyon. PAKUROT/LEA BOTONES