MUKHANG patungo na sa pag-abandona kay Mar Roxas itong si PNoy. Ito ang nakikita natin sa ngayon matapos kausapin ng Pangulong Aquino itong si Grace Poe, isa sa mga nangungunang pangalan para sa 2016 presidential election.
Kumbinsido na siguro si PNoy na wala siyang maasahang tibay at panalo kay Roxas kaya panahon na para mag-iba siya ng landas.
Sa pagtatasa ng SWS at Pulse Asia, mga nangungunang survey firms sa bansa, consistent na pumapangalawa palagi itong si Poe bagaman hindi pa ito nagdedeklara ng interes para sa 2016.
Kitang-kita rin sa pagkambiyo ni PNoy na nangangailangan siya ng tagapagligtas at dito malaki ang panalo niya kay Poe kaysa kay Roxas dahil kahit ano yatang gawing gimik ng asawa ni Korina ay hindi na ito kakagatin ng publiko.
Malinaw na kailangan ni PNoy na ang mananalong pangulo ay kanyang bataan dahil kapag hindi ay posibleng magaya siya kina Erap at GMA na parehong nagoyo dahil sa kabalbalang ginawa habang nanunungkulan.
###
Gusto rin daw ni Mark Lapid, anak ni Senador Lito Lapid na sundan ang yapak ng kanyang ama.
Nagpahayag na raw ng interes itong anak ni Leon Guerrero, na nakatalaga ngayon sa isang tanggapan sa Tourism Department.
Malinaw na hindi gaanong magandang materyales itong si Mark Lapid gaya ng kanyang ama dahil puro kasong korapsyon din lang ang inani nito noong siya ang gobernador pa lamang ng Pampanga.
Kredibilidad at matinong lider na ang hinahanap na mamboboto ngayon at hindi lamang isang artista o anak ng isang politiko na wala namang maipagmamalaking nagawa na maganda para sa bayan. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO
