PATULOY ang pakikidalamhati ng mga Pinoy sa naganap na sunog sa pabrika ng tsinelas sa Valenzuela City na ikinamatay ng 72 katao at ikinasugat ng mahigit sa 30 kung saan ay nagdeklara na rin ang Sangguniang Panglunsod ng Citywide State of Mourning.
Kasabay nito, inaprubahan na rin ng konseho ang isang ordinansa na nagbibigay ng karapatan kay Mayor Rex Gatchalian na gamitin ang public funds upang matulungan ang pamilya ng mga naging biktima ng sunog.
Kabilang sa mga tulong na ito ang burial assistance, financial assistance, legal assistance at iba pa, bukod pa sa pagbibigay ng tulong sa mga kaanak ng mga naging biktima ng sunog upang malimutan ang kalunos-lunos na sinapit ng kanilang kapamilya.
Patuloy rin ang isinasagawang imbestigasyon upang matukoy kung sino-sino ang mga maaaring kasuhan sa sinapit ng mga kawawang biktima habang inaalam pa rin ang pagkakakilanlan ng mga namatay.
Bagama’t mahirap makilala ang mga nasawi dahil puro buto na lamang ang natira sa mga ito ay hindi tumitigil ang mga tauhan ng Scene of the Crime Operation (SOCO) ng Philippine National Police (PNP) upang kilalanin ang mga namatay sa pamamagitan ng DNA.
Halos hindi rin napapagod si Mayor Rex sa pag-aasikaso sa naganap na sunog kung saan ay personal nitong inaasikaso ang kalagayan ng pamilya ng mga namatay maging ang paghahatid sa huling hantungan ng mga biktima at ang mga nasugatan na naka-confine sa mga pagamutan.
Tiniyak din ni Mayor Rex sa pamilya ng mga naging biktima na mananagot sa batas ang mga taong may kasalanan kung bakit nagsimula ang sunog habang iniimbestigahan din kung bakit hindi agad nakalabas ng gusali ang mga empleyado ng Kentex Manufacturing Corporation na matatagpuan sa Tatalon St., Bgy. Ugong, Valenzuela City.
Naging mabilis din ang aksyon ng alkalde sa pagtulong sa pamilya ng mga biktima kung saan ay agad itong naglagay ng help desk na nagmula sa City Social Welfare and Development upang matukoy kung sino-sino ang mga nakulong sa sunog.
Karamihan sa mga naging biktima ng sunog ay pansamantalang inilagak sa Arkong Bato Public Cemetery habang pinoproseso pa ang pagkakakilanlan ng mga namatay sa bisa ng DNA testing.
Kasalukuyan ding naka-half-mast ang mga bandera sa lahat ng pampublikong gusali ng lungsod bilang pakikiramay sa mga naging biktima at pakikisimpatya sa mga pamilyang naiwan ng mga ito habang hinihintay pa sa kasalukuyan kung magkano ang maibibigay na financial assistance sa mga kaanak ng mga namatay. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO