ISA sa pinaka-self-satisfying part ng trabaho ko ay ang makipag-dialogue sa mga public transportation driver sa iba’t ibang parte ng bansa, lalo na ang mga jeepney driver.
Noong kailan lang ay nasa Pampanga ako sa imbitasyon ni Atty. Zona Russet Tamayo, Regional Director ng LTFRB sa Region 3. Salamat sa kanila ni Atty. Theresa Magtoto, sa pag-imbita sa akin.
Driver’s Training ang event kaya ang mga paksa ay samu’t sari tungkol sa lahat ng concern ng mga public transportation driver – magmula sa safety sa kalye, sa insurance, sa kalinisan ng sasakyan at sarili, kagandahang-asal at maging ang kontrobersiyal na issue ng road rage.
Pero may isang tanong na hindi ko malilimutan – ang tanong sa akin ay ‘yung special permit daw na binibigay kapag gagamitin nila ang may “For Hire” na sasakyan para sa personal na lakad. Tatlong araw lang daw kasi ang special permit at paano raw kung isang linggo nila halimbawa gustong gamitin ang kanilang sasakyan?
Marami pang tanong tungkol sa pang-personal na paggamit sa sasakyan.
Hindi ko matandaan ang mga detalye ng kung ano ang mga violation kung meron man pero ang sabi ko sa kanila, kung may dapat kayong tandaan ay ito – dapat lagi una ang kapakanan ng inyong mga pasahero.
Ang iginiit ko sa mga driver ng Region 3 na nag-attend ng event na ang dapat nasa isip nila ay ang kanilang mga responsibilidad bilang mga public transpo driver.
Tandaan na kapag ang inyong sasakyan ay may “FOR HIRE”, ito’y pang-serbisyo na kaya medyo limitado na ang paggamit na personal. May pananagutan na kayo sa komunidad sa kabuuan dahil ang ibig sabihin ng “Franchise” na ibinigay sa inyo para makapagmaneho ng pampublikong sasakyan ay “serbisyo sa bayan.”
Una pa man, bago pa maging pampamilya at personal ang inyong jeep, ay pampubliko ito. Kaya kung meron man kayo, bilang mga driver, na dapat tandaan – ito ay ang kung ano ang makabubuti sa inyong mga pasahero.
***
Mag-email ng reaksyon sa ariel.inton@gmail.com o mag-text sa 09178295982 o 09235388984. SIBOL/LTFRB COMM. ARIEL ENRILE-INTON
