MAAARING nakalusot ang Bangsamoro Basic Law (BBL) sa House of Representatives nang halos walang galos pero hindi sa Senado.
Hindi tulad ng kapwa mambabatas sa Kongreso, ang mga senador ay pinaniniwalaang mas independiyente at hindi sila madaling maimpluwensyahan kung ang pagsasabatas nito ang pag-uusapan.
Ito ang nakabawas sa tensyon ng maraming tao na nadismaya noong isang linggo matapos magbotohan sa Mababang Kapulungan nang pabor sa BBL, nang halos hindi nababawasan ang mga probisyon nito na salungat sa Konstitusyon.
Ang pag-asa nila ngayon’y nasa Senado at kung paano tatratuhin ng ating mga senador ang BBL.
Si Senador Miriam Defensor-Santigao, chair ng Senate committee on constitutional amendments and revision of codes, ay patuloy na kinukuwestyon ang pagkakasalungat nito sa Konstitusyon.
Ayon sa kanya, “The Senate and the House acting only by themselves cannot approve the proposed BBL in its present form. It has to be promulgated by nothing less than an amendment to the Constitution.”
Para kay Senador Ferdinand Marcos, chair ng committee on local government, ang BBL ay dapat sumailalim sa masalimuot na pagbubusisi na kasalukuyan niyang ginagawa.
“We don’t want to pass the BBL only to have it declared unconstitutional by the Supreme Court later, then we’d be back to square one and all our efforts would be for nothing,” paliwanag niya.
Noong Lunes ay natumbok ni Senador Chiz Escudero ang mahalagang isyu nang tanungin si Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) Undersecretary Jose Lorena kung sino ang nagsabi na ang MILF ang makikipagnegosasyon para sa Bangsamoro.
Ayon kay Lorena ay wala raw at ang gobyerno ang gumawa ng inisyatibo para makipagnegosasyon sa MILF.
Kaya ang tanong natin ay paano aasahan ng ating gobyerno na magkakaroon ng matibay na kasunduan, matatamo ang kapayapaan at maipapasa ang batas na pabor sa isang grupo na wala palang leigal na awtoridad para maging kinatawan ng mga Bangsamoro sa simula pa lang?
o0o
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View. FIRING LINE/ROBERT ROQUE, JR.
