TUMITIRA ang mga malalakas na lindol at matitinding heat wave o init ng panahon habang nagbababala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration ukol sa pagdating ng mga malalakas na bagyo.
Ang mga problemang ito ay dapat na titigan at huwag ipagwalang-bahala ng mga awtoridad at mamamayan sapagkat kung maminsala ang mga ito ay gayun na lamang
JAPAN NAMAN
Makaraang yariin ang bansang Nepal ng magkasunod na lindol na may lakas na 7.8 at 6.2 na ikinamatay ng mahigit sa 8,600 katao, nilindol naman ang bansang Japan sa lakas ng 7.8 din nitong nagdaang mga araw.
Ang lakas ng lindol na 7.8 ay halos katumbas ng tumama sa Baguio-Cabanatuan noong 1990 na ikinamatay naman ng mahigit sa 1,600 katao.
Wala pang gaanong ulat ukol sa pinsala sa Japan bagama’t masaya tayong makabasa ng mga balita na walang Pinoy na nasaktan doon.
Ayon sa mga ulat, nagsayawan nang todo ang mga matataas na gusali sa parte ng Japan na malapit lamang sa lindol.
Kung ano ang mga pinsala na tinamo ng Japan ay hindi pa malinaw.
WEST VALLEY FAULT
Dahil sa nakatatakot na mga lindol na ‘yan, hinihintay naman natin ang posibleng paggalaw ng bitak ng lupa sa West Valley Fault na matatagpuan mula sa Bulacan-Aurora hanggang sa Laguna at Ca-vite at daraan ito sa Metro Manila.
Sabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology, mga Bro, malamang na minimum na 7.2 ang lakas ng lindol na lilikhain nito.
At alam ba ninyong katumbas ito ng lindol na tumama sa Bohol nitong taong 2013 na ikinaguho ng napakaraming simbahan at gusali, kasama ang mga tahanan ng mga Boholanon.
Kitang-kita natin ang resulta ng lakas na 7.2 na hindi lang nagpaguho ng mga gusali at simbahan kundi pumatay rin ng 213 katao sa Bohol at Cebu.
SOBRANG INIT NG PANAHON
Kung sa akala ninyo, mga Bro, eh, sa India lamang may mahigit sa 2,000 nang patay dahil sa heat wave o init ng panahon, dito sa atin ay may paisa-isa na ring namamatay.
Isa sa mga patay ang tiyuhin ng editor nating si Rico Navarro.
Dahil umano sa init ng panahon sa Bulacan, basta na lang nag-collapse ang kanyang tiyuhin na dead-on-arrival sa ospital.
Matindi talaga ang init ngayon kahit sa Pinas kaya naman may mga lugar nang nagdeklara ng state of calamity dahil sa pagkasira ng kanilang mga palayan, palaisdaan at iba pang pinagkukunan ng ikabubuhay ng mga mamamayan.
Mabuti na lamang at hanggang 41°C lang ang init sa atin.
Paano kung aabot ito sa 45-48°C o malapit na sa init na kumukulong tubig ang init ng panahon gaya ng nagaganap sa India?
Paktay tayo riyan, gaya ng nangyayari sa mga Bombay na mahigit nang 2,000 ang patay.
MALA-YOLANDA
Sabi ng PAGASA, darating ang mga mas malalakas na bagyo ngayong taon bunga ng naghalong init ng panahon, El Niño at ang darating na tag-ulan.
Sa pahayag na ito ng PAGASA, nangangahulugang magkakaroon tayo ng mga superbagyo na lalampas ang bugso ng hangin sa 220 kilometro kada oras.
Ang bagyong Yolanda ay umabot ang bugso ng hangin sa 350-375 kilometro kada oras.
Maaaring mangyari ang mga superbagyo at mala-Yolandang bagyo.
Kasama riyan ang mga malalakas na ulan na lumilikha ng mga grabeng baha at landslide, kasama ang mga tsunami at storm surge na nangyari sa Leyte at Samar noong bumisita si Yolanda.
ANG MGA PAGHAHANDA
Sa ngayon, sabi ng MMDA, magsasagawa na sila ng mga praktis laban sa mga lindol at may sampol ng pagyanig na dadalhin nito sa maraming lugar sa Metro Manila na daraanan ng West Valley Fault at East Valley Fault na maaaring mas mahina ang lilikhaing lindol.
Balak ng MMDA na may gagawing praktis sa araw at mayroon din sa gabi.
Maganda ang proyektong ito at sana, ‘yung mga kokontra-kontra riyan ay maghunos-dili.
Para sa atin naman lahat ‘yan.
Anong malay nga natin na titira ang lindol sa araw o sa gabi o sa tag-ulan kaya sa kalagitnaan ng gabi?
Eh, kung mabibitak ang Angat dam na lilikha ng 30 metrong taas ng tubig-baha, magsibagsakan at magsiguhuan ang mga malalaking gusali at simbahan, may sisiklab na mga apoy at babagsak ang LRT at MRT, ano-ano ang mga gagawin natin?
Kaya para sa atin, nais nating makilahok sa mga praktis.
Dapat may mga praktis din laban sa mga heat wave at bagyo.
Anong malay natin na ang mga pamilya mismo nating ang matatamaan o tayo mismo?
God bless us all at sana’y walang magaganap na mga bagay na ito kung may mangyari sa mga ito.
o0o
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA
