NASAKSIHAN ko kamakailan ang panghahablot sa bag ng isang babae ng dalawang kalalakihan na nakasakay sa isang motorsiklo sa Monumento.
Masuwerte ang biktima dahil nabawi ang bag matapos mabitawan ng mga suspek sa kanilang pagtakas.
Tinangka ko itong samahan sa police station para magreklamo, pero, dahil siguro nabawi ang bag, nagpasalamat na lang ito.
Ang aking nasaksihan ay isa lang sa napakaraming insidente ng krimen na matagal nang problema dahil ‘di natutugunan ng PNP.
Marami namang mga programa ang pambansang kapulisan para sa pagsupil ng kriminalidad, pero, tila ‘di naman gumagana.
Ang PNP, puro lang yata k‘wento, walang k‘wenta. Gen. Alan Purisima.. …ano ba talagaaaa! Apay met, Apooooo!
KAYOD KALABAW
Kayod kalabaw ang ginagawa ni Comm. Ruffy Biazon at mga bataan nito sa BOC. Kahit anong kalokohan walang pinalulusot.
Huli rito, huli roon ang mga enforcer ng BOC. Wala tuloy mapuntahan ang mga ismagler. Sa pier, sa paliparan man o kahit sa mga tindahan.
Dahil diyan, napakataas ng morale ngayon ng buong BOC. Kahit pa may mga hindi tumitigil sa pang-iintriga, tuloy ang kanilang magandang peformance.
Nagpunta sa Cebu kamakailan si Biazon at doon ay personal niyang hinarang ang kontrabandong mga armas na nakamamatay.
Isang armalite assault rifle, isang .357 pistol, isang .22 magnum at isang .9mm pistol na may kasamang iba’t ibang bala na pawang gawa sa Amerika ang sinamsam ng bureau.
Consigned sa Australian national na si Ronald Banks, ang mga baril at bala ay pawang walang balidong permiso para ipasok sa bansa kaya kakasuhan siya ng paglabag sa Tariff and Customs Code at Commission on Elections gun ban.
Kasunod nito, nakumpiska naman ang isang mamahaling motorsiklo nang malaman ng isang Customs warehouse personnel na nakatalaga sa U Freight malapit sa Mactan-Cebu International Airport na pawang peke ang importation documents nito.
Saludo tayo sa alertong mga tauhan ng BOC sa Cebu.