TAMA si Sen. Grace Poe na imposibleng ‘di alam ni VP Jejomar Binay ang mga upak sa kanya ni Rep. Toby Tiangco.
Dahil lumalaki ang isyu at posibleng mag-boomerang pa kay Binay ang upak ni Tiangco kay Sen. Grace pagkat mas pinapaboran ng masang Pinoy ang isang inaapi, pilit na inaayos ng anak ni VP Binay na si Abby Binay ang gulo na ginawa ni Toby.
Kasi nga naman, sino ba namang maniniwala na gagalaw itong si Toby nang walang “go signal” ng nakatataas sa United Nationalist Alliance?
Si Tiangco ay spokesperson ng UNA at anomang ilabas niya sa media ay imposibleng hindi batid ng mga nakatataas sa partido lalo na ni Binay na siyang pambato nito.
Dahil mukhang pumapabor pa kay Poe ang ginawa ni Tiangco dahil sa pagturing sa kanya bilang “underdog” na siyang gustong-gusto lagi na iboto ng masa, to the rescue si Abby Binay sa pag-aayos ng gusot.
Si Grace ay talagang manang-mana sa kanyang tatay na si Da King Fernando Poe, Jr. Kumbaga sa pelikula, nagpapabugbog muna si FPJ sa kaaway bago nito lampasuhin ng gulpi.
Bagama’t nag-sorry na sa ipinakitang maaskad na asal kay Grace, nagsabi si Tiangco na hindi pa raw tapos ang mga paglalabas niya ng baho laban sa senadora. Kasi nga, si Sen. Grace ang mahigpit na kalaban ni VP Binay sa panguluhan kung magdedesisyon na itong tumakbo.
Sige lang, bugbugin n’yo pa si Sen. Poe nang magkaalaman na. Ngunit tingnan din natin kung may mailabas pa silang mga eskandalo na paniniwalaan ng taumbayan laban kay Sen. Poe.
***
Bakit bigla yatang natahimik ang mga kongresista sa isyu ng panunuhol sa mga mambabatas paboran lang ang Bangsamoro Basic Law?
Gamit ang salapi mula sa Chinese syndicate leader na si Wang Bo, maraming kongresista raw ang namantikaan ang bibig kaya biglang nagsibait at pumabor na sa BBL.
Hindi ba, Congressman Rufus Rodriguez?
Sinabi ni Bayan Muna Rep. Neri Colmenares na ang Office of the Ombudsman ang best option para magsagawa ng ganitong pagsisiyasat. Iimbestigahan na raw kasi ito sa Kamara para malaman kung sino-sino ang nakinabang.
Tingin n’yo ba, may mangyayari sa pagsisiyasat na ito?
Kaya bang palabasin ng mga kongresista ang kanilang sarili na nakinabang sa pera ng isang sindikato para paboran ang BBL?
Malabo yata! KANTO’T SULOK/NATS TABOY