MUKHANG abot-abot ang pagpaparamdam ni Senate President Franklin Drilon para siya ang gawing pambato ng Liberal Party sa pagka-Pangalawang Pangulo.
Malinaw sa body language ng tinaguriang ‘Big Man’ sa Senado ang kanyang paghahangad na tumaas ang puwesto dangan nga lamang ay mukhang dehins siya pansin ng kanyang mga kapartido sa LP.
Kung ating babalikan ang pahayag ni Drilon, malinaw na tuloy-tuloy ang kanyang pagpapasaring sa LP lalo’t higit kay PNoy at Mar Roxas para siya ang gawing VP ng lapian.
Mismong si Drilon na rin kasi ang nagbebenta ng kanyang sarili sa LP kesehodang magmukha tuloy siyang epal sa lahat ng kanyang kapartido.
Sa pinakahuling pahayag ng pinuno ng Senado, sinabi niya ang lahat ng kanyang credentials para siya piliin ng LP, kasama na rito ang kanyang 30-taong paninilbihan sa pamahalaan.
Mukhang self-serving din ang pahayag ng mamang taga-Iloilo nang sabihin nitong malalim ang bangko ng LP gayung pangalan lamang niya ang kanyang pinalulutang para maging pambato sa pagka-Pangalawang Pangulo ng partidong dilawan.
Nagpa-survey rin daw itong si Drilon sa isang kilalang survey firm kung ano ang magiging laban niya sakaling tumakbo siyang VP ng bansa kaya klaro na ang gustong tahaking landas ng pinuno ng Senado.
o0o
Bakit kaya malaki ang tiwala ng LP na sila pa rin ang mananalo sa 2016 presidential election?
Kitang-kita sa pahayag nina Drilon, Butch Abad at PNoy na kaya nilang panatiliin ang LP sa panguluhan gayung malinaw sa sentimyento ng mamamayan na sukang-suka na ito sa dilawan.
Sinabi nilang Tuwid na Daan pero isang katutak naman ang katiwalian at trapong pamumulitika sa kasalukuyang liderato kaya naman dehins na ito kinakagat ng publiko.
Daya na lamang ang tsansa ng LP na masungkit muli ang 2016 kaya ito ang dapat bantayan nina Grace Poe, Rody Duterte at VP Jojo Binay dahil hindi naman lingid sa kanila na ang lahat ng nakaupo ngayon sa Comelec ay tuta lahat ni PNoy. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO
