HINDI minsan, kundi ilang beses nang kinausap ni Pangulong Aquino si Sen. Grace Poe, at ang ulat ay masusundan pa ang pag-uusap ng dalawa.
Sa unang pagkikita, nag-usap lang daw ang Pangulo at ang senadora tungkol sa mga bagay na hindi naman napag-usapan ang pulitika.
At noong sila’y muling nagkita kamakailan, hindi pa rin napag-usapan ang pulitika, ayon sa anak ni Fernando Poe, Jr.
Ang bilin lamang umano ni PNoy ay ang maghanda ang senadora dahil siya ang napipisil na magpapatuloy sa mga nasimulan na ng kanyang liderato.
Nabanggit din sa pag-uusap, ayon pa sa senadora, si Sen. Chiz Escudero ay plano ring kausapin ng Pangulo.
Ang senaryong ganito ay palaisipan, hindi lang sa atin bilang tagamasid sa kaganapan, bagkus sa mga nakapaligid kay Sec. Mar Roxas.
Si Sec. Mar ay matagal nang bukambibig na magiging administration candidate dahil kapartido sa Liberal Party.
Pero, may problema ang Presidente kay Sec. Mar dahil ito’y kulelat sa mga survey, tiyak na talo sa darating na 2016 election.
Ang marahil naglalaro sa utak ni PNoy ay useless na isabak ang kalihim ng DILG kung matatalo rin lang.
Kaya marahil bumabaling ang kanyang sensya kina Sen. Grace at Sen. Chiz dahil sa kanilang sumisirit na popularidad sa taumbayan.
Sa ganang atin, napakahirap ang dinaranas ngayon ng Pangulo – siya’y naiipit sa dalawang nag-uumpugang bato.
Dahil kung sasabihin niyang si Sen. Grace o si Sen. Chiz ang kanyang ‘annointed’ candidate for President, lagot siya sa mga kapit-tuko kay Sec. Mar.
Siguradong hindi papayag si Sec. Florencio Abad, friend kong si Cong. Egay Erice at iba pang die-hard ng partidong liberal.
Tiyak na away ‘yan.
Sa darating na Oktubre na ang filing of candidacy, pero, tila, hilong talilong pa rin ang administrasyon kung sino ang mamanukin sa darating na May 2016 election.
Kung sino kina Sec. Mar, Sen. Grace at Sen. Chiz ang babasbasan ni PNoy, aba’y ‘yan ang masidhing inaabangan ng sambayanan. CHOKEPOINT/BONG PADUA