SA simula’t simula, tama ang sinasabi ko na hindi buong kasalanan ng mga may-ari ng pabrika ng tsinelas ang pagkamatay ng ilang obrero sa Lungsod ng Valenzuela.
Malaki rin ang kasalanan nina Labor Sec. Rosalinda Dimapilis Baldoz, Interior and Local Government Sec. Manuel Roxas II, at Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian dahil sila ay naging pabaya sa kanilang mga tungkulin.
Ang kaluwagan o hindi regular na pagmo-monitor upang matiyak na sumusunod sa mga batas-paggawa at kontra sunog ang kumpanyang nasunog ay malaking krimen bilang opisyal ng pamahalaan.
Ang pagpapabaya nina Baldoz, Roxas at Gatchalian ay makikita sa napakaraming establisimyento at pabrika sa Valenzuela na pawang sadyang lumabag sa mga batas-paggawa at batas kontra-sunog.
Kung pabaya sa mga tungkulin, hindi karapat-dapat na manatili pang kalihim ng Department of Labor and Employment si Baldoz.
Kung sadyang pabaya sa mga tungkulin at responsibilidad, hindi lamang hindi karapat-dapat na kalihim ng Department of the Interior and Local government si Roxas, kundi wala rin siyang karapatan maging Pangulo ng Pilipinas.
Hindi kaya ni Roxas ang maraming tungkulin at responsibilidad ng isang Pangulo ng bansa.
Kung hindi kaya ang napakaraming trabaho, huwag nang mag-alkalde si Gatchalian.
Dapat kasuhan si Baldoz at sibakin sa puwesto!
Kasuhan si Roxas, sibakin at huwag ibotong Pangulo!
Dapat kasuhan si Gatchalian at huwag nang ibotong alkalde ng Valenzuela!
WALANG PULIS SA CUBAO!
Talamak ang prostitusyon sa Flirt at Cuya. Nagkalat ang pokpok sa Aurora Blvd.
Naglipana ang mga mandurukot at rugby boy. Walang tigil ang pag-ikot ng mga nagpapasugal.
Walang pulis na makikita sa paligid ng Cubao. Si Supt. Marlou Martinez pa rin ba ang hepe ng Quezon City Police District sa Cubao?
Kumilos ka naman, Supt. Martinez, at pakilusin mo rin ang mga tauhan mo.
Kahit kailan ay hindi tamang manatili ka lamang sa iyong opisina at tumanggap ng mga ‘parating.’
***
Problema at reaksyon n’yo, itawag sa: 09985650271, o mag-email sa:akosibadilla@yahoo.com BADILLA NGAYON/NELSON BADILLA