PANIS ang paliwanag ni Puregold Area Manager Armelita B. Dugay kaugnay ng bulok na Cowhead Choco Milk na tinda ng Puregold Subic sa Harbor Point.
Ito Ang Totoo: pinagpaliwanag ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) ang Harbor Point (HP) kung saan umuupa ang Puregold na pinagpaliwanag ng HP kaugnay ng bulok na paninda nito.
Umamin naman si Dugay na noong Hunyo 4 ay nabili ang Cowhead Choco Milk sa Puregold Subic at isinauli nga sa kanila noong Hunyo 5.
Pinalitan umano nila ito, ayon kay Dugay, bagay na medyo kasinungalingan dahil sa apat na kahon na tig-isang litro, tatlo lamang ang napilitang palitan ng Puregold.
Wala man lang paumanhin sa abala, panganib at karagdagang gastos dulot ng pagtitinda ng Puregold ng bulok na Cowhead Choco Milk at sa kanyang paliwanag, iginiit pa ni Dugay na sa libong litro na naibenta na 50% dahil malapit nang mag-expire, wala naman daw ibang nagsauli. Ganoon ba kadali ang magsauli at magpapalit ng bulok, Ms. Dugay?
Pakitingnan po ang kaso ng bulok na itlog na ibinenta ng Puregold sa mga taga-Public Relations Department (PRD) ng SBMA noong Hunyo 10, 2015 para sa Strategic Planning nila sa Baguio City.
Sa Baguio nadiskubre ng grupo na ang isang kartong itlog ay puro bugok.
Paano iyan, babalik ba sila ng Subic para isoli ang bulok na itlog ng Puregold? O kaya iuuwi pa ba ng grupo makalipas ang ilang araw ang bulok na itlog ng Puregold para papalitan?
Makalipas ang ating kolum, naglabasan ang mga nakabili sa Puregold ng lumobong “cheese,” may amag na “Spam” at iba pa, kahit ang mga ito’y hindi pa raw “expired.”
Ito Ang Totoo: ayon sa Forbes.Com, ika-12 pinakamayaman sa buong Pilipinas ang may-ari ng Puregold na mag-asawang Lucio at Susan Co na may NETWORTH na yamang $1.93B.
Mula sa iisang tindahan noong 1998, may 200 na umanong ang Puregold sa buong bansa.
Huwag naman sanang lumalabas na ang kayamanang nakamal ng mag-asawang Co ay bunga ng pagtitinda ng discounted nga dahil luma o masisira na kung hindi talagang sira na.
DTI Sec. Gregory L. Domingo, may nakatakip po ba sa mata, bibig at tainga ng mga tauhan ninyo pagdating sa mga bagay na ganito. Sana wala. Ito Ang Totoo! ITO ANG TOTOO/VIC VIZCOCHO, JR.