NILAMPASAN na ni Sen. Grace Poe ang grado ni Vice-President Jejomar Binay sa pinakahuling resulta ng mga tiba-tibang kumpanya ng survey.
Gaya ng dati ay tiyak na babalewalain ng kampo ni Binay ang resulta na ito dahil hindi pabor sa kanila. Ganyan din naman ang ginagawa ng kampo ni PNoy at maging noon kay Aling Gloria.
Subalit kapag pabor sa kanila ang resulta ng survey ay aangkinin nila ito bilang tanda [raw] ng kanilang mahusay na pamamahala sa gobyerno. Pero babatikusin nila kapag negatibo ang resulta.
Bueno, ganyan talaga! Tiyak na taranta de gulat ngayon sa loob ng kampo ni Binay dahil sa unang pagkakataon ay naungusan ang kanilang manok na matagal nang nangunguna sa survey bilang susunod na Pangulo ng bansa.
Malamang sa hindi ay mayroon pang sisihan kaugnay sa isyu ng pagiging Filipino citizen at ampon daw ni Poe na ibinato ng tutang ulol ni Binay kaya naging laman ng balita ang senadora.
Negatibo man o positibo ay tiyak na ‘PUBLICITY’ pa rin at natitiyak kong nakatulong ang isyu na ito kaya lumampas na si Poe sa grado ni Binay ng halos sampung puntos. Goodluck, Vice Ganda este… Vice Binay!
# # #
Pang-senador na lamang [ba] talaga ang idolo kong si Ping Lacson? Numero uno kasi siya kapag Senado ang muli niyag tatahakin ‘di tulad kung trono sa Malakanyang – ayon [ulit] sa tiba-tibang kumpanya ng survey.
Ganito ang resulta bagaman umugong ang tambalang Duterte – Lacson kamakailan. Kanya-kanyang palundag ang mga mokong upang mapulsuhan ang kiliti ng mga botante sa bansa.
Kapag natuloy daw ang tambalang ito’y masiglang-masigla ang negosyo ng mga punerarya sa buong bansa. Usap-usapan pa nga na baka wala nang matirang kriminal sa lansangan – nandoon na lang sa Malakanyang, Kongreso at Senado.
Pero ang lahat ng ito, ang lahat ng partido… ang lahat ng kampo ay gagawa ng desisyon sa 2016 Elections – magiging galante ba sila o magkukunat sa darating na halalan?
***
Para sa komento o suhestyon: eksperto71@gmail.com EKSPERTO/JOIE O. SINOCRUZ, Ph.D.