HABANG patuloy ang mga isinasagawang reporma sa Bureau of Customs (BoC) ay pilit pa ring sinasagkaan ng ilang salot sa lipunan ang pagsisikap ng ahensiya na matigil na ang mga maling kalakaran.
Ang mas masaklap ay ginagamit pa ang media upang sirain ang mga ginagawang hakbang upang matigil na ang talamak na smuggling sa ating bansa.
Aba isipin niyo, eh, may diyaryo pa pala ang mga ito at ang tanging sirkulasyon ay sa loob lamang ng BoC.
Kapag hindi nila nakukuha ang gusto nila ay kanilang tinatakot ang mga opisyal ng BoC na babanatan sa kanilang haoshiao na pahayagan.
Buhay na buhay rin ang raket ng mga ugok na ito dahil todo ang suportang ibinibigay ng kanilang mga kliyenteng smuggler.
Gamit ang kanilang pagiging media kuno ay nagsisilbi silang mga lobbyist ng mga smuggler upang makapagpalusot sila ng mga kargamento.
At kapag may mga opisyal ng BoC na pumapalag sa kanilang mga diskarte ay binabanatan nila ito sa pamamagitan ng kanilang pasulpot-sulpot na pahayagan.
Ang hindi ko maintindihan ay kung bakit nakapanggogoyo pa ang mga ito samantalang wala namang nagbabasa sa kanilang “seasonal” na pahayagan.
Sino naman kasi ang magbabasa, eh, sa pangalan pa lang nito, eh, alam mo ng raket lang sa BoC ang habol ng mga hinayupak na ito.
Hangga’t may ganitong mga tao ay nagkakaroon ng dahilan ang ilang tauhan ng Customs na gumawa ng kalokohan.
Nagkakaroon sila ng dahilan upang bigyang-katwiran ang kanilang pangungurakot.
Ang paglilinis sa BoC ay magkakaroon lamang ng tunay na resulta kapag matutong manindigan ang mga opisyal na ito laban sa mga taong patuloy na nakikipagbuno upang pigilan ang makabuluhang reporma para matuldukan na ang talamak na korapsyon sa naturang ahensiya.
Kinakailangang manindigan ang mga ito upang labanan ang mga pananakot at pamba-blackmail ng mga nagkukunwaring media sa halip na kanlungin ang mga ito upang maipagpatuloy ang mga maling kalakaran at sistema.
Tandaan po natin na kapag ang isang pahayagan ay pasulpot-sulpot lang, walang layunin ito kundi ang makapang-raket lang.
****
Para sa inyong mga sumbong tungkol sa mga mali sa lipunan at mga tiwaling lingkod-bayan, mga komento at suhestyon, mag e-mail lamang sa gil.bugaoisan@gmail.com. BIGWAS/GIL BUGAOISAN