BUKOD kay Sen. Antonio Trillanes, wala nang iba pa na nagpahayag ng kanilang planong tumakbo sa pagka-Pangalawang Pangulo sa 2016.
Si Sen. Grace Poe na nangunguna sa VP race survey ay hindi tinatanggap ang mga buyo na tumakbo bilang Pangalawang Pangulo.
Si Sen. Chiz Escudero ay alumpihit din sa pagpapahayag kung siya’y lalaban sa pagka-Pangalawang Pangulo.
Si Sen. Alan Peter Cayetano na kasama sa mga VP race survey ay hindi pa inaanunsyo kung tatakbong Vice President.
Napag-uusapan din ang posibleng pagsali ni Sen. Bongbong Marcos sa VP race pero walang kumpirmasyon sa Ilokanong mambabatas.
Pero kung ang tatanungin ay ang asosasyon ng ‘Samahang Ilokano’, nais nilang tumakbo ang anak ni Apo Lakay sa pagka-Pangalawang Pangulo.
Ang Samahang Ilokano ay may 3-milyong miyembro kaya kung sakaling i-endorso si Sen. Bongbong, baka mapilitang lumaban ang senador.
Hindi lang sa Ilokandia malakas ang anak ng yumaong Apo Lakay dahil sa Visayas, siguradong tatabo ng boto ang senador.
Dahil ang Visayas ay balwarte ng kanyang inang si Imelda na hanggang ngayon ay pinaniniwalaang marami pa rin siyang tagahanga.
At hindi dapat ismolin ang hatak ng yumaong Pangulong Ferdie dahil sa mga probinsya, tiyak na milyones pa rin ang kanyang taga-suporta.
Kaya ‘yong tanong na si Sen. Bongbong Marcos ba ay tatakbo sa pagka-Pangalawang Pangulo? Ang masasabi natin eh, pwedeeeeee!
R4A BUMABA ANG KRIMEN
Bumababa ang insidente ng krimen sa R4A, ayon sa nakakalap nating ulat diyan sa rehiyon ni Gen. Richard Albano.
Sa buong Calabarzon, mula Hunyo 15 – 21 nakapagtala ng 176 insidente, kumpara sa 192 incident noong Hunyo 8 – 14, 2015.
Ang isinasagawang ‘Oplan Lambat Sibat’ ang dahilan kaya marahil takot ang mga kriminal na isagawa ang kanilang masamang gawain.
Ang nasabing Oplan na pet project ni Sec. Mar Roxas ay patuloy na isasakatuparan para sa lalo pang pagbaba ang crime incident sa R4A, kwento sa Chokepoint ni Gen. Albano.
Kudos sa kapulisan ng R4A. CHOKEPOINT/BONG PADUA
