NAG-IIPON na ng boto ang Liberal Party (LP) para sa posibleng impeachment ni Vice President Jojo Binay sa House of Representatives.
Sa Senado naman, aarangkada na muli ang aid of legislation hearing para sa mga kaso ng graft and corruption at pandarambong na isinampa kay Binay, ang kanyang anak na si Mayor Junjun at mga sangkot sa pag-uusig na ito.
Malamang na hinihintay lang ng LP ang pinal na ulat ng Senate Blue Ribbon Committee laban sa mga Binay at ang kaukulang kaso na inihahanda naman ng Office of the Ombudsman.
May basbas man ito ni President Noynoy Aquino ay itutuloy na ito ng LP na maka likom ng sapat na numero para maipadala na ng House of Representatives ang kanilang impeachment complaint sa Senado na siya namang maghuhusga kung dapat nang matanggal si Jojo Binay sa pagka-bise presidente.
Kung matalo si Binay sa impeachment trial, tanggal agad siya sa puwesto kahit siya pumunta sa Court of Appeals at sa Supreme Court.
Kapag natalo si Binay, tanggal din ang kanyang karapatan na makakuha pa ng puwesto sa anomang sangay ng gobyerno.
Malupit ang batas, sabi nga ng karamihan, ngunit ‘yan ang batas. Kailangang putulin ang ugat na siyang papatay sa puno.
Katulad ng nangyari kay Renato Corona, ang na-impeach na chief justice, mga kasong tax evasion ang ibinalibag sa kanya kaya malamang, ito rin ang naghihintay kay Binay.
Kung putol na ang ugat, madali nang tagpasin ang mga sanga at mga prutas o bunga ng punong ito.
Totoong nasa majority coalition pa rin ang mga pro-Binay katulad ni senadora Binay at congresswoman Binay pero ilang panahon na lamang at maglalaho nang bigla ang kanilang power.
Balik na sa oposisyon o minority ang mga Binay maski tumutol man si Speaker Sonny Belmonte.
Laking kagalakan naman ni Senate President Franklin Drilon, na isang LP leader, kung wala nang Binay at mga kaalyado sa senado. DEEP FRIED/RAUL VALINO